Magbiro na sa lasing, huwag lang sa pagod

Published March 20, 2020 by dapithapon

EDSA 
02/05/2020

First time kong nakasakay ng bus na napundi ang ilaw habang binabaybay namin ang EDSA.

Noong una, akala namin ay pinatay lang ng drayber baka kasi maraming tulog na pasahero. Pero di iyon siyempre ang dahilan since metro bus ito at di provincial bus. Punuan din ito dahil ayaw paawat ng drayber at kundoktor sa pagpapasakay ng mga pasahero. Puwera pa kaming mga nakaupo, sa sobrang punuan, bale sakop na ng mga nakatayong pasahero ang aisle hanggang hagdan ng pintuan ng bus.

Kung “sinusuwerte” ka nga naman. Napaka “suwerte” ko ngayong araw na ito. 😬

Kaninang umaga, halos isang oras akong nakapila sa MRT Taft Station kasi delay ang dating ng mga tren dahil may isa raw na nagloko ang pinto at hindi maisara. Di ako nakalipat sa LRT kasi naipit na ako sa pila. World War Z levels. Walang silbi ang face mask dahil halos magkapalitan kami ng mukha ng mga kasalubong ko sa pila. 😅

Tapos nitong pauwi naman ako, nagloko ang aircon ng bus na nasakyan ko sa Philcoa. Pagsapit sa Crossing, pinababa na kami ng kundoktor para palipatin sa ibang bus.

At sa bus nga napundi ang ilaw ako nakasakay. Maluwag kanina ang bus na nilipatan ko kaya nakaupo ako. Pero pagdating sa Boni, puno na agad. Doon nagsimulang magpatay-sindi ang ilaw ng bus hanggang sa tuluyan nang nawalan ng ilaw. Akala mo’y may magaganap na trahedya tulad sa horror flicks na napapanood natin sa telebisyon o sinehan.

Dahil sa nangyari, nagtalo ang kundoktor at drayber.

Kinantiyawan kasi ng kundoktor si Manong drayber.

Sabi ng kundoktor, “Ano ba ‘yan?! Pati ba naman sa bus, may brownout?” Sabay tawa nang malakas.

Noong una, nakikitawa rin iyung drayber, kaso, humirit ulit ‘yung kundoktor. Doon napikon iyung drayber.

Sabi kasi ng kundoktor “Ang dilim naman! Parang kinabukasan mo!” Sabay hagalpak ulit nang tawa.

Sagot ng drayber, “E bakit mo ako pinagtatawanan? Kasalanan ko ba? Pinabyahe lang sa atin ito na di na-check.”

“Dapat kasi, ikaw na ang nagkusang nagpacheck nito. Alangan naman din na ako ang magcheck. Kundoktor lang ako at di mekaniko,” tatawa-tawang sagot naman ng kundoktor.

“Bakit ka ba tawa nang tawa diyan? Siraulo ka ba? Imbes na makatulong ka, pinagtatawanan mo pa ako,” ani ng drayber.

“Natawa lang ako kasi amputi pala ng ngipin mo sa dilim! Hahaha!”

Doon nagmura si Manong drayber sa pagkapikon. Naalarma iyung nasa likod nilang lalaking pasahero kaya sumabat ito.

“Huwag nga kayong magtalo d’yan! Kaliit na bagay, nagkakapikunan kayo,” sabi ng pasahero.

Natameme ang dalawa. Pagdating sa Malibay, mukhang mainit pa rin ang ulo ng drayber. Pagpara ng isang pasahero, biglang nagpreno ito. Sumalya sa salamin ng bus iyung isang pasahero na nakatayo malapit doon, at iyung iba naman at nagkabungguan sa lakas ng preno.

Nagalit na ang mga pasahero kaya halos sabay-sabay na sinabihan ang drayber na mag-ingat naman sa pagmamaneho at pagpepreno. Kaso, pikon talaga si Manong at sinabihan pa ang mga pasahero na bumaba na lang daw kung gusto nila. Highblood masyado si Manong. Hahaha!

Buti na lang at nakarating na kami sa Pasay Rotonda kaya di ko na nakita ang reaksiyon ng mga tao. (Well, di ko rin naman talaga makikita kasi madilim sa loob ng bus. 🤣)

Lesson learned, huwag alaskahin ang mga taong pagod. Madaling uminit ang ulo. Haha.

Leave a comment