rantbox

All posts in the rantbox category

Origami sa dyip

Published February 9, 2018 by dapithapon

Dahil (nakakaloka ang) trapik kaninang umaga at nabigo rin akong sumakay sa MRT kasi apat na lang daw ang bagon kaya panay stop entry ang drama kanina, tapos naglakbay ako patungong Glorietta 3 para sumakay sa P2P bus, iisa-isahin ko na lang ang mga dahilan kung bakit nagtutupi ako ng papel.

Una, pantanggal ng stress ito, pramis. Dahil pokus ka sa pagtutupi, pansamantalang mawawaglit sa utak mo ang mga problemang bumabagabag sa’yo. May oras naman na kinakalma nito ang utak at emosyon mo kaya malaki ang naitutulong nito upang makapag-isip ka nang maayos.

Ikalawa, magaan lang ang papel kaya puwedeng madala kahit saan. Maliit lang din ang espasyong inookupa nito sa bag kaya kasyang-kasya maski pouch lang ang bitbit mo.

Ikatlo, di takaw-nakaw ang mga papel. Maaari kang magtupi maski saan ka man nakasakay, sa dyip, bus o tren man iyan. Pag cellphone kasi, dapat doble ingat ka sa paglalabas ng cellphone lalo na sa mga delikadong lugar.

Speaking, naalala ko tuloy iyong mga estudyanteng nakasabay ko dati sa dyip. Last year nangyari ang insidenteng ito. Isang gabi, papunta ako noon sa TriNoMa, sumakay ako ng SM North dyip. Noong natrapik kami papuntang North Avenue bandang Veterans Hospital, panay kalikot sa mga cellphone nila ang mga bagets.

May sumabit sa dyip na apat na batang hamog at hinablot ang cellphone ng estudyanteng nakaupo malapit sa estribo. Nagising ang inaantok kong diwa sa tili ng katabi kong babae, kaya kahit bahala na si Batman, tinadyakan ko ang kamay ng batang hamog para mabitawan niya ang cellphone.

Sumenyas ito sa kasamahan niyang nakasabit sa estribo at sumigaw ng “Batsi na pre! May parak sa oblob!”

Anak ng pating! Napagkamalan pa yata akong parak! Haha.

Anyway, natulala iyong estudyanteng tinulungan ko. Iyung katabi kong babae, umiyak.

Sa masungit na tono, sinabihan ko ang mga kapwa ko pasahero sa dyip na itago ang mga cellphone nila at nasa delikadong lugar kami.

Kung bakit ba naman kasi walang pulis sa lugar na iyon samantalang madalas ang insidente ng nakawan doon. Kulang na lang, nakawin pati ang feelings mo.

Isa lang iyan sa madalas na kinakaharap na panganib ng mga komyuter tuwing mabigat ang daloy ng trapiko.

Idagdag na ang polusyong nilalanghap ng mga pasahero mula sa tambutso ng mga sasakyang bumper to bumper sa kalsada. Kung nakaka-immune lang sana sa mga sakit sa baga ang paglanghap ng maitim na usok, siguro, makakaiwas sa sakit ang mga komyuter.

Nagkakainitan na rin ng ulo ang mga drayber at walang humpay ang pagbusina sa bawat isa. Akala mo naman, luluwag ang trapik sa ginagawa nila.

May oras naman na mahirap sumakay. Dahil sa trapik, di makarating kaagad sa mga terminal o sakayan ang mga dyip at bus kaya ang pila o dami ng mga pasaherong nag-aabang ay humahaba na singhaba ng pila papasok sa studio ng Wowowee.

Tatanggihan ka pa ng mga pinapara mong taxi. Ibang usapin naman ito.

Hep, hep! Baka sabihin ng iba na mag-P2P bus o kaya’y mag-Uber o Grab na lang. Uhm, sorry (not sorry) pero hindi lahat ng mga komyuter ay may sapat na badyet para sumakay sa mga alternatibong ito araw-araw.

Ayun lang. Balik tayo sa pagtutupi ng papel.

Ikaapat, masayang magtupi ng papel at bumuo ng iba’t ibang hugis dahil maeensayo ang visual spatial abilities mo pati ang pag-aanalyze mo sa mga bagay-bagay, isabay mo na rin ang pag-aanalisa sa mga isyu sa lipunan.

Ikalima, masarap sa pakiramdam pag matagumpay mong nabuo ang origami na pinag-aralan mong gawin tulad ng matagumpay mong pagmove on sa pagkabigo sa pag-ibig o naunsyaming lablayp. Chareng.¬†ūüėú

~  Habang nakasakay sa P2P Bus/ February 8, 2017

#trapiknalangyataangforever #weneedabettertransportsystem#solusyunanangtrapikparahappy

Advertisements

Biyaheng bus (naman)

Published February 2, 2018 by dapithapon

 

Ang biyahe pauwi ay panibagong pakikibaka rin. Lalo na sa pagsakay sa bus. Kumbaga, para lang mga karakter sa pelikulang World War Z o Train to Busan ang mga komyuter na sa kasamaang palad ay nabigong sumakay sa MRT.

Tulad sa mga nabanggit na pelikula, iba’t ibang hamon o balakid ang dapat laruin o harapin ng mga bidang komyuter sa tulong ng mahabang pasensya, diskarte, lakas ng loob at tatag ng katawan upang makauwi ng buo sa tirahan at kahit papaano’y makapahinga maski anim na oras man lang.

Ngunit, sa halip na may mga zombie na tutugis sa mga bida, ang mga komyuter ang tila mga zombie na hahabol sa mga pampasaherong bus.

Mukhang mga Zombie dahil mga pagod at puyat ang mga komyuter na karamihan ay galing sa trabaho at tanging ang determinasyong makauwi lamang ang pinaghuhugutan nila ng lakas upang mahabol ang mga bago at bulok na bus sa kahabaan ng EDSA.

Ang mga bus lane kung saan puwedeng sumakay ay nawawalan ng silbi dahil sa kalsada palang, nag-aabang na ang mga pasahero at alisto sa pagsalubong sa mga paparating na bus.

Tutal pauwi na rin lang naman, wala nang pakialamanan kesehodang maisantabi ang poise o reputasyong inaalagaan basta makasakay lang. Kahit makapalitan mo pa ng mukha ang kapwa mo pasaherong nakatayo sa loob ng bus.

E ano ngayon kung hanggang hagdan na ang laman ng bus? E ano ngayon kung nakatayo ka mula, halimbawa, North Avenue hanggang Pasay Rotonda? E ano ngayong kung nakasuot ka ng mini skirt o kaya’y ang damit mo ay singhalaga ng gown na ipinang-debut ng presidential apo? E ano ngayon kung kasing guwapo mo si Piolo Pascual? E ano ngayon kung Php 30,000-50,000 ang suweldo mo buwan-buwan sa isang sikat na kumpanya? E ano ngayon kung construction worker ka at kailangan mo ng pahinga? E ano ngayon kung estudyante kang puro major subjects ang inenroll ngayong semestre at kailangang makauwi kaagad para gumawa ng research paper para sa klase kinabukasan?

Kung komyuter ka na sumasakay ng bus pauwi, mula Lunes hanggang Sabado o minsan pa nga ay Linggo, lahat kayo, pantay-pantay. Lahat kayo ay walang ligtas sa paglanghap ng polusyon o usok mula sa tambutso ng mga sasakyan. Lahat kayo ay dapat sumunod at sumabay sa batas ng kalsada.

Kaya kung inaakala ninyo na di hamak na mas maganda ang sitwasyon ng mga komyuter ng bus kumpara sa mga komyuter ng MRT, akala n’yo lang ‘yun.

Iisa lang ang mukha naming mga pasahero. Lahat kami ay mga zombie…este, mga mandirigma sa kalsada.

Kaya utang na loob, Metro Manila badly needs a better and sustainable transport system.

Sana, matupad na.

#bettertransportsystemnownaplease 

‚ÄĒPasay City | 25 Enero 2018

%d bloggers like this: