Kahalagahan ng pag-iipon sa banko

Published March 20, 2020 by dapithapon

(Note: Noong Enero  pa naisulat ang kuwentong ito. Pero ngayon ko lang pinost para naman may entry na itong blog ko ngayong taong 2020. Haha.)

 

Centris
01/10/2020

Sumakay ako ng taxi kanina sa Centris para makarating ako sa office ng 9 a.m.

Pagpasok ko sa taxi, ngitian ako ng drayber na may maamong mukha at tantya ko’y lampas 60 years old na ang edad. Kamukha ni Manong ang artistang si Jonee Gamboa.

Sinabi ko kay Manong na dumaan muna kami sa Landbank para magwithdraw bago ako magpahatid sa opisina. Pumayag naman siya. Sa isip-isip ko, kapag good shot sa akin si Manong, dadagdagan ko na lang ang ibabayad ko sa kanya.

Tulad ng karamihan sa mga nasasakyan kong taxi, nakatutok sa AM radio station si Manong at tahimik na nakikinig. So far, so good. 😁 Pero noong nabanggit ng komentarista ang tungkol sa pagtaas ng sahod ng mga kawani ng gobyerno, nagkomento bigla si Manong.

Sabi niya, “Hingi nang hingi ng increase ang mga kawani ng gobyerno kaya dapat tumulong sila sa paghuli sa mga korup para mas lumaki pa ang pasahod ng gobyerno sa kanila.”

May punto nga naman. Gusto ko sana siyang sagutin pero ngitian ko na lang si Manong. Wala akong masyadong gana makipagchikahan dahil nanlalata pa ako pagkatapos kong magkasakit nitong Miyerkules at Huwebes.

Nagpatuloy sa kanyang komentaryo si Manong. Balak pa yata niyang kabugin si Orly Mercado.

“Iyang mga kongresista at mga Senador na ‘yan, dapat kaparehas lang ng mga ordinaryong kawani ang sweldo! At i-obligang magcommute nang makaranas naman ng hirap!”

Gusto kong palakpakan si Manong. Dinaan ko na lang ulit sa ngiti. 😁

Nang malapit na kaming pumasok sa campus, biglang sinabi sa akin ni Manong na mayroon din daw siyang account sa Landbank.

Sabi niya, “Bale isandaang piso lang at nakapagbukas na ako ng account sa Landbank. Basta may extra akong pera, hinuhulog ko kaagad sa banko!”

“Mabuti naman po para makaipon kayo,” sagot ko.

Pero di ko inaasahan ang sumunod na shinare na kuwento ni Manong.

Sagot niya, “Aba’y di lang para makaipon! Ayokong nag-iiwan ng pera sa bahay namin dahil nakukupitan ako.”

Orayt. Tinanong ko siya kung sino naman ang nangahas na kupitan siya.

Sagot niya, “Tulad kahapon, may Php 4,000 ako sa wallet ko. Paggising ko kaninang 6 n.u. at sinilip ko ang wallet ko, Php 3,700 na lang! Nagalit ako sa asawa at dalawa kong anak. Sabi ko, binibigyan ko kayo ng pera para panggastos ninyo tapos ako’y inyong kinukupitan pa?! Mga put🤬ngin🤬 ninyo! Wala kayong respeto sa akin!”

Oooppss! G na G si Manong. Haha.

“Nakakabuwisit. Umagang-umaga, sinira nila ang araw ko. Nag-iimpok ako dahil matanda na ako at para may pambili ako ng gamot o panglibing sa sarili ko. Binibigyan ko sila ng pera panggastos tapos kukupitan pa ako? Kaya mas safe sa banko ang pera ko!”

Gumuhit nang husto ang mga pileges ni Manong sa sobrang inis niya. Pero kumalma na siya noong nakarating na kami sa Landbank. May pila kaya medyo natagalan ako.

Pagbalik ko sa kanyang taxi, may bagong hanash si Manong. Eto, eto.

“Iyung guard sa PNB, sinita ako! Aba’y sabi ko, may hinihintay akong pasahero. Nagwithdraw lang kako. Aba’y kung ako’y kanyang aawayin, mapapahiya siya sa sasabihin ko!”

“Ano ho ang sasabihin ninyo?” Tanong ko naman.

Sagot niya, “Aba’y sasabihin ko na bakit pa sila nagpagawa ng banko doon kung wala namang parking? Magsara na sila! Kapag alam kong nasa tamang katwiran ako, di ako basta mananahimik lang! Ipa-Tulfo ko pa sila. Magtatayo sila doon tapos walang parking para sa customers nila. Tapos sisitain nila ako?!”

Okay, galit talaga siya. Haha. At aray ko. Bakit andaming bilib kay Tulfo? Susmio. Superhero ka, ghorl? Char. Baka i-Tulfo pa ako ng fans niya. Fish. ✌️😬

Patuloy ni Manong, “Kapag ganitong minalas ako nitong umaga, huwag na huwag niya akong susubukan! Pasensya na, ineng. Nabuwisit talaga ako sa asawa ko. Palagay ko ay siya ang kumupit ng tatlong daan ko kaya mainit ang ulo ko!”

Sinabi ko kay Manong na baka naman pinambili ng pagkain ang kinupit sa kanya.

Sagot niya, “Pagkain? Binigyan ko na nga siya ng dalawang libo kagabi!”

“Ay, oo nga naman po. Sana ipinagpaalam na lang na hihiram sa inyo ng pera,” komento ko.

“May nagpapaalam ba na mangungupit? Aba’y wala!” Sagot naman niya.

Hokey. Shut up na lang ako. 🤐😂

Kumalma na si Manong pagdating sa aking destinasyon.

Pagkabayad ko, may pahabol namang pasasalamat at mabuting pangaral si Manong sa akin.

“Salamat sa pakikinig, ineng! Nabawasan ang inis ko. Kaya ikaw, pag may extra kang pera, ipunin mo sa banko!”

Okay po. Noted po, Manong.

At sinara ko ang pinto ng taxi matapos magpasalamat at sabay takbo paakyat sa opisina.

Nakapag-biometrics ako ng 8:56 a.m. Ayos. 😁

 

#kalyeserye #kuwentongtaxi #tulfofansiManong

Leave a comment