Pamasahe

Published July 16, 2019 by dapithapon

Sumakay ulit ako ng MRT noong ika-11 ng Hunyo dahil umabot ako sa cut off at sumubok ulit ako na tangkilikin ang serbisyo nito ngayong gabi kasi positibo ang naging karanasan ko noong sumakay ako dito dalawang linggo na ang nakararaan sa may Taft Avenue Station.

Una, dahil nakaupo ako. Ikalawa, maikli at mabilis ang daloy ng pila di tulad noon na daig pa ang prusisyon para sa Poong Nazareno sa Quiapo ang kabagalan ng pag-usad ng pila at nagkakapalit na ng mga mukha ang mga pasahero sa hintayan bago pababain sa platform dahil sa dami. Ikatlo, maluwag din ang loob ng tren kasi mabilis ang dating nito sa istasyon kaya di napupuno ang platform. At ikaapat, malamig ang buga ng aircon. Di na kailangang gumamit ng portable electric fan na mabibili sa halagang Php100-150 sa mga bangketa o paglabas mismo sa istasyon.

Noong araw na iyon, sa North EDSA Station ako sumakay. Tulad nang nabanggit ko, nakahabol ako sa last trip na alas-9 ng gabi. Masaya kasi maayos ang byahe ko ngayon. Di kasumpa-sumpa dahil na rin siguro lumipas na ang rush hour.

MRT pink bag

 

Pagsapit ng Shaw Boulevard Station, sumakay si Ateng naka-pink na backpack sa bagon kung nasaan ako at suwerte namang nakaupo siya kasi maraming bumaba.

May tinawagan siya sa kanyang cellphone at di ko naiwasang di makinig kasi malakas ang boses niya habang nakikipag-usap. Eto ang takbo ng usapan nila in verbatim (Di ko lahat isusulat siyempre. Iyung mga tumatak lang sa akin.):

Ate: Hello, Ma! Musta naman si Sammy? Di naman ba pasaway? Nakakakain ba siya nang ayos?

(Sumagot ang nasa kabilang linya)

Ate: Gising pa ba si Sammy? Pakausap naman po kay Sammy.

(Mukhang si Sammy na ang nasa kabilang linya.)

Ate: Hello, Sammy? Anak, ikaw na ba iyan? Sa wakas! Nakausap din kita, anak! Buti at gising ka pa. Miss na miss ka na ni Mommy! Sorry, anak. Di kami makauwi ni Daddy mo. Nag-iipon pa ng pamasahe. Okay ka lang ba d’yan, anak? Di ka naman nagpapasaway sa mga Lola at Tita mo?

(Nagsalita sa kabilang linya ang bata.)

Ate: O, o. Huwag iiyak. Sige ka, maiiyak din si Mommy. Kumusta naman ang baby ko? Kumakain ka ba ng kanin at ulam? Huwag puro tsitsirya anak ha.

(Sumagot sa kabilang linya ang bata.)

Ate: Miss na miss din kita, baby. Tahan na. Tahan na. O siya. Matulog ka na, Sammy, a. Huwag magpupuyat. Makinig palagi kay Lola. Bigay mo na phone kay Lola.

(Nag-usap si Ate at ang nanay niya. Tapos humiling si Ate na makausap ulit si Sammy para magpaalam.)

Ate: Ba-bye na baby. I love you, Sammy, anak. Oo. Uuwi rin kami ni Daddy. Basta pakabait ka diyan, anak ha? I love you, baby. Ba-bye.

Pagkatapos ng tawag ni Ate, di na niya napigilang umiyak. Di na niya alintana kung nakikita namin ang pagluha niya. Panay ang kanyang hikbi at pagsinghot. Pinahid niya paulit-ulit ang mga mata niya na unti-unti nang namumugto.

Hay. Sa totoo lang, naninikip ang dibdib ko habang nakikinig ako sa tawag niya. Sorry po kay Ate kung di ko napigilang mag-eavesdrop. Sadyang may pagkatsismosa lang ako bilang Maskom grad. Ayan tuloy ang napala ko. 😢

Sa dinaranas na hirap ng mga manggagawa sa Pilipinas, napakapait isipin na di sumasapat ang sahod ng karamihan para magkaroon man lang ng pamasahe pauwi ng probinsya para makapiling ang kanilang pamilya. Nakakabilib ang mga taong patuloy ang pagsusumikap para sa pamilya. Nakakabilib ang mga magulang na nagsusumikap para mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak. Nakakabilib ang mga taong patuloy na sinusuong ang buhay kahit ilang ulit nadadapa o halos gumapang na sa hirap.

Potek. Pahinging tisyu. *inhale,exhale*

 

—H.C.P. | 7.12.2019 | EDSA

Leave a comment