Biyaheng MRT serye

Published February 2, 2018 by dapithapon

Habang naninigas na ang mga binti ko sa pagpila papasok sa istasyon ng MRT, naisip ko na para pala kaming nasa imbudo. Araw-araw tuwing rush hour, dadagsa ang ganito karaming tao sa istasyon at sabay-sabay o magpupumilit na isiksik ang mga sarili, sukdulang itulak ang nasa harap at masiko ang katabi, para pumasok sa makipot na lagusan, na singkipot ng nguso ng imbudo, patungong platform.

Normal na eksena ito sa libo-libong Filipinong komyuter na karamihan ay 4:00 palang ng umaga ay naghahanda nang pumasok sa opisina o eskuwelahan. Partida na, bumabangon sila makalipas ang 3-6 na oras na tulog sa kani-kanilang tahanan matapos pagdaanan ang halimaw na trapik pauwi.

Normal din ang ganitong tanawin na animo’y uma-attend kami sa concert ng KPop, JRock, Pogi Rock o ng kung sino mang sikat na banda o singer na nagtatanghal dito sa Pilipinas. Pag MRT komyuter ka, t’yak ensayado ka sa pagpila, siksikan, tulakan, moshpit, body slamming at wall of death.

Normal din ang tila pagsali sa isang fun run. Ang kaibahan lang, hindi ito fun. Funsyetin nila mga mukha nila. Pagdating sa platform, pipiliting makapila sa unahan para mauna ring makapasok sa tren. Dadami ang bolyum ng tao sa platform. Ihahanda ni Manong Security Guard ang lubid na itinatali niya sa hagdang bakal upang magsilbing harang sa pagitan ng mga tao at riles. Pipituhan ang mga taong lumalabag sa utos ng reyna (announcer) na bawal tumapak sa dilaw na tiles. Aabangan ang pagdating ng tren. Di na makilala ang hagdan pababa sa platform na sakop ng mga tao. Pagdating ng tren, aabangan ang paglabas ng mga taong sakay nito. Lalapit si Manong guard. Kakalagin ang lubid sa pagkakatali. Ihahanda ng mga tao ang sarili sa pagsakay. Sa hudyat ng guard, isa, dalawa, tatlo! Ibabagsak nito ang lubid at una-unahang papasok sa loob ng tren ang mga pasahero, daig pa ang kasali sa fun run.

Ang pagpasok ay halintulad sa concert ulit. Tulakan, body slam, moshpit, at headbang sa bawat uga ng tren habang tumatakbo ito. May libre pang parlor games dahil pagpasok sa tren, kailangang makipag-unahan o makipagbalyahan ka para lang makaupo.

Pagsapit sa kanya-kanyang destinasyon, normal na sa mga komyuter ang pumasok sa tren na makinis ang porma maging ang suot na mga damit na maingat nilabhan (at baka hinaluan pa ng fabric conditioner) at plinantsa, at lalabas na humuhulas ang pulbos sa pawis, bakat ang basang kilikili sa gusot-gusot na damit, at may baong ngiti sa kabila ng pagkabugnot sa naranasang mala-impyernong biyahe sa MRT.

Lahat ng mga binanggit ko ay “normal” na sa amin. Kailan kaya ito magiging “abnormal?”

— MRT Taft Station, Pasay City | 24 Enero 2018

(P.S. Una ko itong pinost sa aking Facebook. Naisip kong ilagay bilang entry sa aking blog. Wala lang. 🙂 Sinulat ko ito gamit ang cellphone habang inaabangan ang pagdating ng tren.)

Advertisements

P2P, Glorietta at Cash and Carry (Ligaw Serye Blg. 1)

Published January 5, 2018 by dapithapon

Cash & Carry Mall map

Ligawin talaga ako. Sumakay ako ng P2P sa UP Town Center kanina tapos ang last stop, sa Glorietta malapit sa side ng Rustan’s. Pumasok ako sa Glorietta Mall patungong SM para doon sumakay ng bus papuntang Pasay. Ayun. Naligaw ako sa loob ng mall. It took me 20 minutes bago matunton ang way papuntang SM pag galing sa Glorietta. Mahusay. Haha. 😆

May naalala tuloy akong insidente almost a decade ago.  Makikipagkita dapat ako noon sa pamilya ko sa Cash and Carry sa Makati from UP Diliman kasi lumuwas sila ng Metro Manila para may bilhin at mamasyal na rin. Tama naman ang nasakyan kong bus kaso hindi ako sa mismong Cash and Carry ibinaba.

Naglakad na lang ako kasi baka kako malapit lang. May nakita akong pulis at nagtanong ng direksyon papunta doon. Napagkamalan pa akong teenager at tinawag pa akong Nene dahil sa suot kong maong pants, maluwag na T-shirt tapos naka-backpack pa ako.

Kaya lang, engot lang akong sumunod sa road directions kaya, tama kayo ng hinala. Naligaw ulit ako.

Pakiramdam ko noong mga oras na iyon ay nasa twilight zone ako. Madilim na kasi noong nakarating ako sa Buendia.  Bawat minuto, panay ang patak ng pawis sa noo ko. Palinga-linga ako sa paligid pero hindi ko mahanap iyung kalsadang binanggit sa akin ng pulis.  Napapa-sign of the cross ako ng di oras tuwing may biglang nakakasalubong akong tao. Iniisip ko kasi kung multo ba sila o masasamang loob. Awa ng Diyos, hindi naman.

Inabot ako ng halos 30 minutes kahahanap sa mall na iyon kaya tinawagan na ako ni Kuya nang hindi ko pa siya ma-replayan sa text para sagutin ang tanong niya kung nasaan ako.

Pagsagot ko sa cellphone, tinanong muna ni Kuya kung ano ang mga nakikita ko sa paligid ko  tapos itinuro niya sa akin ang direksyon papunta sa Cash and Carry. Aba! At pareho sila ng sinabi sa akin ng mamang pulis na napagtanungan ko. Punyemas!  Dahil wala pa akong salamin noon sa mata, nahirapan akong hanapin ang kalsada na tinutukoy ni Kuya pati ang signage ng Makkro kung saan daw malapit ang Cash and Carry. Ayun, nabuwisit na yata ang kapatid ko sa katangahan ko sa road direction kaya siya na ang naghanap sa akin kasi isang oras na akong naliligaw.

Pagkakita ko kay Kuya, niyapos ko kaagad siya tapos umiyak ako na parang Grade school. Sinermunan niya ako pero masaya ako kasi natagpuan nila ako. Haha.

Lesson learned, a week after that incident, nagpagawa ako ng salamin sa Executive Optical kasi malabo na pala talaga ang mga mata ko at di ko nakita kaagad signages sa mga lugar kung saan ako pumupunta.

Charennggg! I-promote raw ba ang EO. Wehehehe!

😂😂😂

 

Author’s note: Dahil sa hindi inaasahang reaksiyon ng mga kaibigan ko sa mga sinulat ko kagabi sa aking Facebook status, naisip kong i-share na rin dito sa aking blog ang aking (mis)adventures sa kalsada at sa pagiging masyadong “ligawin.” 😀 

%d bloggers like this: