Mga tula sa pader

All posts in the Mga tula sa pader category

Sulô

Published April 26, 2017 by dapithapon

torch

Ganyan ang pag-ibig niya sa’yo,
parang sulô na may sindi.
Umaapoy, mainit, mausok.
Ngunit, pag naubos ang gaas,
mawawala ang ningas.
Mamatay nang walang babala.
Mag-iiwan ng kulay uling na bakas.

                                                                         ~hcp/4.24.2017

「Translation」

Such is his love for you, like a light up torch.
Burning, hot, smoky.
As soon as the fuel becomes empty,
the flame will disappear;
die without warning
leaving only traces of charcoal dust.

Advertisements

Piraso

Published October 6, 2016 by dapithapon

Nagising akong namamaga ang namumulang mga mata,
nanginginig ang mga kalamnan sa ilalim ng makapal na kumot.
Napanaginipan kita kagabi.
Mahigpit mo akong niyakap
habang umaagos ang masagana kong luha
at humahagulgol akong tila limang taong gulang na bata.
Basa na ang asul mong polo mula sa maalat kong luha at pawis.
Pero patuloy mo pa ring hinahagod ang likod ko,
umaasang sana’y mapatahan mo ako.

Nang sa wakas ay naging kalmado na ako,
Pinagmasdan ko ang iyong mukha,
Kinabisado ang bawat sulok, linya, hugis, balat, nunal
at maging ang manipis mong bigote.
Lahat-lahat.

Hinayaan ko lang ang sarili kong titigan ka nang hindi kumukurap,
natatakot kasi akong baka bigla kang maglaho sa paningin ko.
Hinaplos ko ang mga pisngi mo na basa na rin sa pag-iyak.
Nadala ka sa walang kapaguran kong paghikbi.

Di mapawi ang lungkot na bumabalot sa pagkatao ko.
Ramdam na ramdam ko ang pangungulila
at kahungkagan sa bawat himaymay ko.

Ano ba ang dapat kong gawin?
Sampung taon kitang hinintay.
Sampung taon akong umasa na muli tayong magkikita.
At kung kailan nagkrus muli ang ating mga landas,
saka ka naman lumalayo,
hanggang sa hindi na kita kayang habulin
at ni bakas ng inyong anino ay hindi ko na maaninag.

Kumbaga sa siyam na planeta sa kalawakan,
ako ang planetang daigdig
at ikaw ay isa sa mga piraso ng namatay na bituin,
Unti-unti ka nang nawawala sa orbit ko.
Tila nag-supernova na yata ang dati mong pagtingin.

Sana ako na lang ang pirasong iyon
at ikaw ang planetang daigdig.
Mas gugustuhin ko pang mahigop ng dambuhalang blackhole
kaysa maging isang buhay na planetang
patuloy sa pag-inog
at naghihintay ng ilang bilyong taon
bago tuluyang mamatay at maglaho.

%d bloggers like this: