Hodgepodge

All posts in the Hodgepodge category

‘Kita Kita’ movie (maikling rebyu)

Published July 31, 2017 by dapithapon

Title of Movie: Kita Kita
Release date: July 19, 2017
Studio: Spring Films
Starring: Alessandra De Rossi at Empoy Marquez
Directed By: Sigrid Andrea P. Bernardo (of the award-winning and unforgettable films “Ang Huling Cha-Cha Ni Anita” and “Lorna”)
Written By: Sigrid Andrea P. Bernardo
Produced By: Spring Films
Rating: 5/5 stars

Mini review:

Iba ang AlEmpoy. Langya ka, Empoy! Pinaiyak mo ako.   Si Alessandra rin, winner!  

Eto naman ang pa-sampu ko tungkol sa pelikulang ito:

Isa – Isa kang alamat, Empoy! Ang husay ng pagganap mo dito bilang Tonyo at na napakaepektibo ng iyong pagpapatawa, pagpapakilig at pagpapaiyak sa aming mga manonood. Pinaglaruan mo ang feelings namin. Langya ka! Haha! 

Dalawa – Dalawang mag-asawang sampal ang gusto kong ibigay sa boyfriend at kaibigan dito ni Lea. Nadala ako sa eksena. Haha.

Tatlo – Tatlong beses ako napaiyak nang hindi ko namamalayan habang nanood.

Apat – Apat ang paborito kong kilig moments sa pelikulang ito. Kilig na hindi pilit.

Lima – Limang apir sa scriptwriter nito sa pagiging witty. Dinaig nina Lea at Tonyo ang linya ni Mark Lapid tungkol sa saging at puso. Haha. 

Anim – Anim na ulit kong nasambit na buti pa si Sapporo, loyal.  Anim na beses rin akong nagpigil ng wiwi para wala akong ma-miss na eksena.

Pito – Pitong klase ng putahe na may repolyo ang kaya kong lutuin. Maeengganyo kang kumain ng repolyo para sumaya. Haha. 

Walo – Walong hanay ang pila sa ticketing area ng sinehan bago kami nakabili ng ticket ng Kita Kita.

Siyam – Siyam na lang ang natitirang upuan noong kami na ang nasa unahan ng pila sa pagbili ng ticket.

Sampu – Sampung “Langya ka, Empoy!” ang namutawi sa bibig ko sa katatawa at sobrang kilig sa suwabeng pagpapakilig ni Empoy (Tonyo) kay Alessandra (Lea). Sampung palakpak din para sa mga bumubuo ng pelikulang ito.

Di ko ineexpect na magki-click romantically dito sina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez! Astig! 

Congratulations sa mga bumubuo ng pelikulang ito! Manood na ng “Kita Kita” habang nasa sinehan pa!  

#KitaKita
#Alempoy
#SagingLangAngMayPuso
#DiKaIiwanNiSapporo

~haids~
7/31/2017
Habang nakasakay sa tren

Advertisements

Isnatser at buhay pasahero

Published November 4, 2015 by dapithapon

Kagabi, nagkukuwentuhan at nagtatawanan pa kami ng mga kaopisina ko habang naglalakad patungo sa Shopping Center kung saan kami sasakay ng pampasaherong dyip pauwi.

Pagdating sa Shopping Center, mabibilang lang sa daliri ang mga nag-aabang na pasahero kung kaya’t dakong alas-7 ng gabi, madali akong nakasakay ng  dyip na biyaheng SM North. Sa loob ng dyip, karamihan sa mga kasabay kong pasahero ay mga estudyante. Kung meron man kaming mga kasabay na empleyado, isa na ako doon.

Ang mga nakaupo sa tapat ko ay pawang mga estudyante na may hawak na cellphone at may pasak na earphones, marahil ay nakikinig ng kanilang mga paboritong musika.

Habang bumabaybay kami sa Commonwealth para mag U-turn papuntang UP-Ayala Technohub, nag-antanda ako ng krus at tahimik na nagdasal na sana ay ligtas kaming makarating sa aming paroroonan. Bukod kasi sa mabibilis ang mga sasakyan lalo na pagdating sa Commonwealth, iyung tipong halos lumilipad na sa bilis, marami kaming mga dinadaanang lugar tulad sa PHILCOA, Visayas Avenue, Agham Road, o kaya’y bago mag-Veterans, na madalas ay may mga naglipanang isnatser, holdaper o kaya’y manyak.

Trapik patungong North Avenue. Treinta minutos na halos hindi gumagalaw ang mga sasakyan lalo na sa bandang Veterans. Bagama’t inaantok ako, pinipigilan ko ang sarili kong matulog dahil kritikal na lugar ang dinadaanan namin. Kritikal dahil madalas doon nambibiktima ang mga kawatan. Sasabit sa dyip o kaya’y sasakay tapos magugulat ka na lang, aagawan ka ng cellphone o magdedeklara ng “holdap” sa mga pasahero.

Tila pinagtiyap ng pagkakataon na may sumabit sa estribo ng sinasakyan kong dyip. Tatlong kabataang lalake na naglalaro sa 11 o 12 ang edad. Mga bata pa ngunit alam mong batak ang katawan sa kalye. May kulay pa ng buhok ang isa.

Tumaas ang balahibo ko sa batok. Hindi dahil may nagpaparamdam na multo. Kinukutuban ako ng panganib. Naalerto ako sa kilos ng mga bata. Mula sa pagkakasabit, pumasok ang isang bata na kulay dilaw ang buhok sa dyip at hinablot ang cellphone ng estudyanteng lalaki sa tapat ko!

Sinigawan ng bata ang estudyante at sinabing, “Putang-ina mo! Akin na ‘yang cellphone mo!”

Nakarehistro ang takot sa mukha ng estudyante pero nagawa niyang makipag-agawan ng cellphone sa bata. Ang babaeng katabi niya ay takot na takot na niyakap ang cellphone sa dibdib. Nakaantabay ang mga kasamang bata ng isnatser at akmang tutulungan ito para maitakbo ang cellphone.

Hindi ako nakatiis. Sinipa ko ang batang snatcher sa hita nito para mabitawan niya ang cellphone. Noong una, kumapit lang ang bata sa estribo at patuloy pa ring inaagaw ang cellphone ng estudyante. Hinawi ko ang katabi kong mga estudyante at lumapit ng konti at muling sinipa ng tatlong ulit sa hita ang tuhod ang bata. Nabitawan niya ang cellphone at ang kamay ng estudyante. Bumuwelo ulit ako at sinipa siyang muli sa hita dahilan upang mapaatras siya sa kasama niyang bata. Dahil doon, napilitan silang tumalon pababa sa dyip.

Umayos ako ng upo nang masiguro kong tuluyan nang umalis ang mga bata. Buti na lang at umandar na rin ang dyip. Sinabihan ko ang mga estudyante na itago ang cellphone nila dahil ganoon talaga sa lugar na iyun. Delikado.

Tulala ang estudyanteng lalaki na muntik nang maagawan ng cellphone. Nakatingin siya sa akin na tila hindi alam kung ano ang dapat sabihin sa akin. Nauunawaan ko ang damdamin niya. Nakaka-trauma nga naman ang nangyari sa kanya.

Samantala, pinagkuwentuhan ng mga pasahero ang pangyayari na tila hindi nila kasama sa dyip ang estudyanteng munti manakawan ng cellphone. Mararamdaman mo ang takot sa mga boses nila. Mula nga naman sa tahimik na biyahe patungong SM North, sa isang iglap, muntik nang manganib ang buhay naming mga pasahero.

Ngunit, tuloy pa rin ang buhay. Bumaba ako ng Caltex Gas Station upang tumawid patungo sa Trinoma Mall. Pagpasok ko sa mall, doon ko naramdaman ang tatlong klase ng emosyon. Una, nakahinga ako ng maluwag kasi apat na buhay ang nailigtas ko: ang estudyanteng muntik manakawan at ang tatlong batang isnatser. Kumbaga, napigilan ko ang mga bata sa kanilang masamang gawain.

Ikalawa, nakaramdam din ako ng guilt. Inisip ko kung kumusta na ang batang sinipa ko. Alam kong umaksiyon lang ako sa kung ano ang hinihingi ng pagkakataon. Ngunit, hindi agad naalis sa utak ko na bata iyung sinipa ko. Sana naman hindi siya gaanong nasaktan sa sipa ko.

At ikatlo, doon ko naramdaman ang takot para sa sarili ko. Hindi dahil sa takot ako sa pangyayari kundi sa kung ano ang naging reaksiyon ko. Parang sumuong ako sa panganib na hindi iniisip ang sarili kong kaligtasan.

Hay. Hindi ko naman intensyon na ipahamak ang sarili ko. Salamat sa Diyos at ligtas kaming lahat. 🙂

Sana naman matauhan ang mga batang snatcher at huwag na nilang ulitin ang masamang gawaing iyun. At sa mga kabataang nakasakay ko sa dyip, maging leksiyon sana sa kanila iyun na hangga’t maaari, mag-ingat sila lalo na kapag bumabiyahe pauwi. Huwag muna silang gumamit ng gadgets kapag nagko-commute.

Uso talaga ang nakawan. Mag-ingat tayong lahat.

%d bloggers like this: