Manong Taxi Driver

Published August 26, 2016 by dapithapon

Nagtaxi ako kagabi mula UP patungong TriNoMa Mall. Pagsakay ko sa taxi ni Manong, medyo nag-alangan ako. Hindi kasi naka-uniporme si Manong tapos naka-sumbrero pa. Pero naisip ko na lang, hayaan na nga lang at nagmamadali ako. Ni-lock ko ang pinto at napaantanda ng Krus para sa ligtas na biyahe at tahimik na ring napausal ng dasal na sana ay hindi naman salbahe si Manong.

Habang tumatakbo na ang taxi, nagtanong ako kay Manong tungkol sa lagay ng panahon. Ganito palagi ang entrada ko kapag gusto kong makipagkuwentuhan sa mga taxi drayber na nakakasalamuha ko para mapalagay ang loob ko at matantiya ko kung mapagkakatiwalaan ba si Manong.

At hindi nga ako nagkamali. Hindi ko akalain na magkakahalong emosyon ang mararamdaman ko matapos mapakinggan ang kuwento ng buhay ni Manong. Muntik pa akong maiyak sa kuwento niya. Ang totoo nga nito, medyo napahiya ako sa mga negatibong bagay na inisip ko tungkol kay Manong. Isa pala siyang dakilang ama.

Tantiya ko, nasa edad 45 na si Manong. Katamtaman lang ang pangangatawan at tangkad niya. Kulot ang buhok, kayumanggi ang balat, maugat ang mga kamay at braso na halatang batak sa trabaho at mistulang mugto ang mga mata dahil sa eyebags.

Napansin ni Manong na pinagmamasdan ko ang mukha niya. Sinabi niya sa akin na kulang siya sa tulog kaya parang namumula ang mga mata niya. Nagtinda pa raw kasi siya ng isda noong isang araw bago siya nagduty sa pagta-taxi.

Doon na nagsimulang magkuwento si Manong. Mag-isa lang daw niyang binubuhay ang kanyang tatlong anak na pawang mga nag-aaral na sa kolehiyo. Iniwan kasi siya ng asawa niyang tatlumpung taon din niyang nakasama. Ipinagpalit daw siya nito sa ibang lalaki na edad beinte dos lang. Ramdam ko ang pait sa boses ni Manong ngunit, buong pagmamalaki niya ring sinabi na sa awa ng Diyos, patuloy pa ring niyang napapag-aral ang mga anak sa PUP sa Sta. Mesa, Manila at pawang nasa Dean’s Lister ang mga ito.

Ginagawa raw ni Manong na araw ang gabi upang may maipangtustos sa pag-aaral ng kanyang mga anak at sa kanilang mga pang-araw-araw na gastusin sa bahay. Naawa raw kasi siya sa mga ito noong isang beses na sinubukan ng mga ito na pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral. Bahagyang bumaba raw ang marka ng mga ito sa iskul kung kaya’t pinatigil niya ang mga ito sa pagta-trabaho at sinabihang magpokus na lang muna sa pag-aaral at siya na ang bahala.

Tatlo ang pinagsasalit-salitang trabaho ni Manong upang maging sapat ang kita niya sa araw-araw. Pagkatapos daw niyang i-garahe ang minamanehong taxi, dumidiretso siya sa palengke ng Navotas upang bumili ng isang banyerang isda na siyang binebenta niya sa lugar nila. At kapag hindi siya ang nakatoka sa pagmamaneho ng taxi ng amo niya, suma-sideline naman siya sa pagmamaneho ng traysikel.

May mga oras na tinatalo ng pagod, hirap at lungkot si Manong kaya minsan daw ay hindi niya mapigilang umiyak. Tulad na lang daw noong isang linggo, habang nagbebenta siya ng isda, naninikip ang dibdib niya sa awa sa sarili at sa matinding pagod. Naghanap daw siya ng CR para lang umiyak. Noong lumuwag na ang dibdib niya, saka siya bumalik sa pagtitinda. Tinatanong daw siya ng mga suki niya kung bakit namumula ang mga mata niya. Ang kinatuwiran na lang niya ay dala ng puyat sa pagtataxi.

Bagama’t awang-awa sa kanya ang mga anak, paulit-ulit daw sinasabi ni Manong sa mga ito na okay lang siya at magpokus lang daw ang mga ito sa pag-aaral.

Ang totoo nito, may iniinda ring sakit si Manong. Matapos daw siyang iwan ng asawa, nagkasakit daw siya. Noong nagpa-check up siya sa doktor, nalaman niyang may diabetes pala siya. Lalo raw siyang nanlumo pero pinalalakas na lang daw niya ang kanyang kalooban para sa mga anak niya. Sinasamahan na rin niya ng taimtim na dasal sa Panginoon na sana ay bigyan pa siya ng sapat na lakas hanggang sa makatapos man lang sa kolehiyo ang mga anak niya.

Naikuwento rin niya sa akin na noong isang araw, muntik siyang maaksidente dahil biglang nanginig ang tuhod niya at nanlabo ang mga paningin niya. Buti na lang daw at wala siyang kasalubong na mga sasakyan kay nakapagmaniobra siya nang maayos at naligtas sa kapahamakan.

Tinanong ko siya kung nagpa-check up na siya ulit sa doktor. Sinabi ni Manong na balak naman daw talaga niyang magpa-check up. Katunayan, umutang pa nga raw siya ng Php2,000.00 sa nagpapa-5-6 para doon. Kaya lang ay tumawag daw ang anak niyang kumukuha ng kursong HRM na kailangan daw nito ng ganoong halaga para sa practicum nito sa Manila Hotel. Hindi siyempre natiis ni Manong ang anak kaya inuna niya ito at ibinigay rito ang P2,000.00. Kapag nabayaran na raw niya iyon sa 5-6, tsaka na lang daw siya ulit uutang para sa check up.

Naibahagi rin niya sa akin na kamakailan lang daw, dumalaw sa bahay nila ang asawa niya at humihingi ng tawad. Nagkataon na wala siya dahil namamasada sa taxi. Galit daw na ipinagtabuyan ng kanilang tatlong anak ang asawa niya. Nalaman niya ang insidente pagdating sa bahay. Pinagsabihan daw niya ang mga anak.

Sabi ni Manong, “Mga anak, kahit baligtarin pa ang mundo, ina n’yo pa rin siya. Hindi tama na magalit kayo sa kanya. Huwag kayong magtatanim ng galit sa nanay ninyo. At kung sakaling naging matagumpay na kayo sa buhay, kapag nilapitan kayo ng nanay ninyo upang humingi ng tulong, huwag n’yo siyang tatalikuran.”

Mangiyak-ngiyak ako sa sinabi ni Manong. Napakadakila ng puso niya. Tinanong ko kung bakit ganoon na lang niya kabilis pinatawad ang asawa niya. Sinabi sa akin ni Manong na paglabas palang daw ng asawa niya sa pintuan ng bahay nila para iwan silang mag-aama, pinatawad na niya ito. Wala raw kasing maidudulot na maganda kung mangingibabaw sa kanya ang galit. Kawawa lang daw ang mga anak nila sakaling mapatay niya ito at makulong siya. Ipinagpasa-Diyos na lang daw ni Manong ang masaklap niyang kapalaran. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay maitaguyod ang mga anak at mapagtapos ang mga ito sa kolehiyo.

Sakali raw isang araw ay magkikita silang muli ng asawa niya at humingi ito ng tulong o kaya’y malaman niyang maysakit ito, hindi raw siya magdadalawang-isip na tulungan ito dahil naging bahagi ito ng kanyang buhay. Iyun nga lang, kung hihilingin daw nitong bumalik sa buhay nilang mag-aama at magsamang muli ay tatanggihan daw niya ito sapagkat awa na lang ang natitira sa kanyang puso.

Sabi nga ni Manong sa akin, “May awa ang Diyos sa akin, anak.”

Naghalo ang saya at lungkot ko sa karanasang ito. Nakakatuwa dahil nakilala ko si Manong at nalaman ko ang kuwento ng buhay niya. Ngunit, iyong kuwento ring iyon ang siyang nagpapalungkot sa akin.

Iniisip ko na lang, isasama ko rin sa mga dasal ko si Manong. Sana ay lalo pa siyang maging mas matatag sa kabila ng kanyang mga dalahin sa buhay. Sana ay bigyan pa siya ng sapat na lakas upang makita niyang umakyat ng entablado ang kanyang mga anak tangan ang diploma kapag natapos na ang mga ito sa kolehiyo. Sana rin ay mabago ang kapalaran ni Manong at makaranas siya ng maski kaunting kaginhawaan sa buhay.

At dumating na kami sa destinasyon ko. Matapos kong bayaran ang pamasahe ko, sinabi ko kay Manong na sana ay huwag siyang susuko sa hamon ng buhay.

Baon ang mga aral na natutunan ko kay Manong, pumasok ako sa loob ng Mall na may ngiti at taos pusong pasasalamat sa Diyos sapagkat sa kabila ng mga problemang dinadanas ko at ng pamilya ko, napagtanto kong marami pala akong dapat ipagpasalamat dahil hindi kami kailanman pinabayaan ng Panginoon. 🙂

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: