Napanaginipan kita kagabi

Published April 21, 2016 by dapithapon

Napanaginipan kita kagabi. Gusto ko raw magpaalam sa’yo. Hinahaplos ko ang mga pisngi mo habang nakaupo tayo sa Lagoon. Ikaw doon sa upuang bato at ako naman ay sa mesa. Buti na lang at nakaupo ka kasi matangkad ka at hindi ko na magagawang haplusin ang mga pisngi mo.

 

Gusto kong sabihin ang lahat ng nilalaman ng puso ko pero nakatitig lang ako sa mga mata mo. Parang hindi ko raw kayang simulan ang mga nais kong sambitin dahil natatakot akong ipagkakanulo ng damdamin ko. Iyakin kasi ako. Hindi ko rin sigurado kung kapag nagpaalam na ako ng tuluyan sa’yo ay mapapanindigan ko iyon.

Hindi ko rin gaanong maunawaan kung bakit nga ba gusto kong magpaalam sa’yo. Samantalang matagal na tayong walang komunikasyon. Siguro na-trigger lang ito noong sinabi sa akin ng kaopisina ko na nakita ka niya sa dyip at ang una mong kinumusta ay ako.

Sa panaginip ko, wala raw akong ibang hangad kundi tuluyan nang putulin ang ugnayan natin. Hindi dahil galit ako sa’yo o ayoko sa’yo kundi dahil alam kong wala rin naman iyong patutunguhan. Pati nga pagkakaibigan natin ay tila nagkalamat na dahil sa mga pangyayaring hindi natin kayang kontrolin.

 

Sa bawat minutong magkasama tayo, natatakot akong magsalita. Patuloy lang akong nakatitig sa’yo. Pero ikaw, bagama’t tahimik pa rin ako, mukhang nauunawaan mo na agad ang mga nais kong sabihin.

Kasi, sa panaginip ko, tinanggal mo ang pagkakahawak ko sa iyong mga pisngi. At mahigpit mo akong niyakap. Sa sobrang higpit, parang kakapusin ako ng hininga.

At pagkatapos ay naramdaman ko na lang na umaagos ang mainit mong mga luha sa damit ko. Init na tila nagmumula sa damdaming matagal mo ring kinimkim. Nagulat ako kasi hindi ko iyon inaasahan. Tinatanong kita habang nakayapos din ako sa’yo, “Bakit? Akala ko ba wala lang ako sa’yo?”

Patuloy ka pa rin sa pag-iyak. Pati tuloy ako hindi napigilan ang pag-agos ng mga luha.

Sinagot mo ako sa kabila ng iyong paghikbi. Sabi mo sa akin, “Please don’t leave me. Di ko kaya.”

Hinaplos ko ang likod mo. Taas, baba, taas, baba. Maski doon man lang ay mapatahan kita o maibsan ko ang lungkot na nararamdaman mo.

Ano ba ang nais mong isagot ko sa iyo? Wala rin naman akong maisip na tamang sagot e. Dahil maski ako, naguguluhan din.

Hanggang sa kumalas ka sa pagkakayapos mo sa akin. Ikaw naman ang humawak sa mga pisngi ko. Tuyo na ang luha sa namumula mong mga mata. Alam na alam ko kung ano ang gusto mong gawin habang papalapit ang mukha mo sa akin. Hinayaan lang kita.

Nang unti-unti nang lumalapat ang labi mo sa labi ko, para akong binuhusan ng yelo. Nagising ako. As in I literally woke up from that dream.

Hindi ko alam kung ano ang kahulugan ng panaginip ko. Naiwan akong litong-lito. Sinikap kong bumangon kasi papasok pa ako sa opisina. Pero naroroon pa rin ang hungkag na pakiramdam dahil sa puwang na iniwan mo sa aking panaginip. 😥

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: