Messengers of Hope workshop

Published November 24, 2015 by dapithapon

Makalipas ang halos tatlong taon, muli na naman akong nag-volunteer sa Gawad Kalinga bilang workshop facilitator sa inorganisa nilang “GK Messengers of Hope: Writing and Photojournalism Seminar-Workshop.”

Ang palihan ay ginanap noong Nobyembre 21 sa Ateneo De Manila University, simula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. Inimbitahan bilang panauhin at tagapanayam sina Mr. Boy Montelibano, Mr. Brian Poe Llamanzares at Mr. Mark Cristino.

Itinuro ng batikang manunulat at dating peryodista na si Tito Boy sa mga bata kung papaano maging isang epektibong manunulat at mensahero ng pag-asa. Tinalakay naman ni Brian, anak ni Senadora Grace Poe Llamanzares ang tungkol sa mga etika sa paggamit ng social media tulad ng Facebook, Twitter at Instagram. Samantala, tinalakay naman ni Mark, premyadong photographer ng European Pressphoto Agency (EPA), ang mga epektibong paraan sa pagkuha ng mga litrato gamit ang DSLR, digital camera at cellphone.

Umabot sa halos 50 mga kabataan ang lumahok sa palihan. Halos 90 porsiyento sa kanila ay edad 17 taong gulang. Sa halagang singkuwenta pesos, nabigyan sila ng pagkakataon na matuto kung paano kumuha ng makabuluhang larawan at kung ano ang mga kuwentong maaari nilang isulat bilang caption ng kanilang mga kukunang litrato.

Ansarap sa pakiramdam ang tumulong sa pagkatuto ng mga kabataan na itinuturing na mga mensahero ng pag-asa at pangarap.

Hindi mo mababakas sa kanila ang mga kinakaharap nilang pagsubok sa buhay. Noong isinagawa namin ang palihan, andami kong nadiskubre at natutunan sa mga batang ito. Sa likod ng kanilang mga ngiti, tawanan at kalikutan, napakalalim pala ng kanilang mga pananaw sa buhay. Ibinahagi ng bawat isa ang kanilang motibasyon upang ipagpatuloy ang buhay sa kabila ng sanlaksang problema. Sila’y mga punong-puno ng pag-asa at pagmamahal sa Diyos at ipinahayag ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga pamilya at kaibigan.

Bilang halimbawa, eto ang sinabi ng isa sa kanila:

“Si Mia ay labing-anim na taong gulang. Siya ay pangalawa sa walong magkakapatid. Nagkaroon siya ng matinding hamon sa buhay na halos pasan na niya ang problema ng kanyang pamilya dahil siya lang ang inaasahan sa kanila. Ngunit, sa kabila ng lahat ay hindi niya nagawang sumuko sa hamon ng buhay dahil pinilit niyang lumaban kahit alam niyang mahirap ang buhay hanggang sa dumating ang araw na nabigyan siya ng pag-asa dahil  alam niyang hindi siya nag-iisa kasama ang Panginoon.”

Sa totoo lang, habang nakikinig ako sa kanila, gusto kong umiyak. Pinipigilan ko lang ang sarili ko. Hindi ko inaasahan na maririnig ko sa mga kabataang ito ang malalim na pananaw nila sa buhay. Hinahangaan ko ang mga kabataang ito na nanatiling nakatayo kahit paulit-ulit silang nadadapa at matatag ang pananalig sa Diyos.

Hindi lang pala sila ang natuto noong araw na iyon. Marami rin akong natutunan sa kanila. Nabuhay muli ang pag-asa sa aking puso dahil sa ipinakita nilang tatag. Naging positibo rin ang aking pananaw sa posibilidad na muling babangon sa pagkakalugmok ang ating bansa.

Naniniwala ako na ang kanilang dedikasyon at taos-pusong pagboboluntaryo sa Gawad Kalinga ay magiging daan upang magdulot ng positibong pagbabago sa kalagayan ng ating bansa.

Ang mga kabataang ito ay talagang maituturing na tunay na pag-asa ng bayan.   ❤ ❤ ❤

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: