Biyaheng MRT: Papasok kang empleyado, uuwi kang mandirigma

Published June 16, 2015 by dapithapon

MRT 1.mosaic Tuwing sumasakay ako sa Metro Rail Transit (MRT), para akong nanonood ng balita o drama sa telebisyon. May iyakan, sigawan, aksiyon, krimen, komedi, kababalaghan, tsismis, at marami pang iba’t ibang mga eksena na halos pang-telenobela ang lebel.

Tulad na lang noong nakaraang linggo, habang matiyaga kaming naghihintay ng kaibigan ko na umikli ang pilang mala-sinturon ni Hudas ang haba paakyat sa North EDSA Station, may dalawang lalakeng nagsapakan. Nagsigawan muna ang dalawa na ala-Robin Padilla at pagkatapos ay walang babalang naghilahan sa kuwelyo tsaka nagpakawala sa isa’t isa ng uppercut sa panga. At dahil nagsapakan sila sa gitna ng bunton ng mga pasaherong mistulang mga pinitpit na bawang sa sobrang siksikan sa hagdan, may mga nadamay tuloy sa away na ito. Dalawang babae ang nasalya sa barandilya ng hagdan at tinamaan naman ng suntok ang apat na lalakeng pumipigil sa dalawang tigreng tila gusto yatang magpatayan.

Awa ng Diyos, may bumabang pulis mula sa istasyon at tinangkang hulihin ang dalawang tigre. Pero bago nakalapit ang mga pulis, nagpulasan ang dalawa at akala mo’y mga isnatser na tumakbo pababa ng hagdan, marahil ay upang ipagpatuloy ang naudlot na “patayan” sa kung saan mang lugar na malayo sa MRT.

Siyempre, gumana ang pagiging usisera ko, kaya nang bumalik sa normal ang lahat, pasimple akong lumapit sa mga babaeng nadamay sa away at pinakinggan ang kuwentuhan nila. Ayon sa mga ito, sumingit sa pila ang lalakeng naka-polong pink na checkered. Dahil nga siksikan naitulak nito iyong lalaking nakasuot daw ng itim na t-shirt na kinasubsob nito sa likod ng isa pang pasahero. Siguro dahil na rin sa alinsangan ng panahon, tipong, pwede nang magluto ng siopao mula sa init na sumisingaw sa katawan ng mga pasahero, kaya nabuwisit iyong lalakeng nakaitim na t-shirt.  At doon nga raw nagsimula ang gulo. Naabutan ko na ang eksena kung saan tulad sa mga pelikulang pang-aksiyon, nagbatuhan muna ng hamon sa isa’t isa ang dalawang lalake at pagkatapos ay tsaka nagbakbakan.

Hati ang kalooban ko sa sitwasyong ito ukol sa kung sino ang dapat sisihin sa pangyayari. Naiintindihan ko naman kung bakit uminit ang ulo ng dalawang pasaherong iyon kaya nauwi sa sapakan, pero kung pakasusuriing mabuti, nangyari iyon dahil sa singitan sa pila. Lahat naman ng pasahero ay talagang hangad na makauwi ng mas maaga kaya nga sumasakay sa MRT para hindi na kailangang sumakay sa bus, dyip o taksi. Halos lahat ay iiniwasan sagupain ang  mabigat na daloy trapiko. At sigurado akong alam ng mga pasaherong ito, na karamihan ay suki naman ng MRT, na sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay talagang kumukulot sa haba ang pila papasok sa istasyon lalo na tuwing mga kritikal na oras (7:00 hanggang 9:00 n.u, 12 n.t., at mula 6:00 hanggang 8:00 n.g.). E bakit ba naman kasi pinaiiral pa rin ng ilan sa mga pasahero (tulad ng lalakeng nagpasimuno ng gulo) ang kawalang disiplina sa katawan at anlakas ng loob pang sumingit sa pila?  Sino ba naman ang hindi mapapamura o magpapakunot ang noo sa inis?

Sa isang banda, marami rin namang akong napagtanto at natutunan sa pagsakay-sakay sa MRT.

Una, nakakabawas ito ng kaartehan sa katawan. Hindi porke’t mabilis ang biyahe kapag sa MRT ka sumakay ay may dahilan ka na para pumetiks, kumendeng-kendeng o lumakad ng parang pato patungo sa istasyon dahil tiyak mahuhuli ka ng dating sa paroroonan mo lalo na kapag inabutan ka ng rush hour. Malamang ay sasabay ka sa karagatan ng taong dadagsa sa mga oras na iyon.

Ikalawa, pati porma ng pananamit ay apektado. Puwede ka pa rin namang pumorma ala- Michael Jackson o Tessa Prieto-Valdez ka sa porma, iyon e kung kakayanin ng fashion statement mo ang giyerang dadatnan mo pagdating sa istasyon.

Katunayan, kung ano man ang postura ko matapos maligo at magbihis ng dalawang oras para pumasok sa opisina, nawawalan ng silbi ‘yun kada sumasakay ako sa MRT lalo na kung alas-siete na ng umaga ako lumalabas ng bahay.

Nakatira nga pala ako sa isang boarding house sa Lungsod Pasay mula Lunes ng gabi hanggang Biyernes ng umaga at nagtatrabaho ako sa kongkretong gubat ng Diliman sa Lungsod ng Quezon (o Kyusi).

Kaya para sa akin, hulog ng langit ang MRT. Katunayan nito, mula Pasay ay nakakaya kong makarating sa Kyusi sa loob lamang ng 30 o 45 minuto samantalang kung sasakay ako ng bus, siguradong aabutin ang biyahe ko ng dalawa o tatlong oras bago makarating sa opisina.

Ang ikatlo namang natutunan ko, dapat, bungad palang ng Taft Station, kailangan ko na ng malupit na depensa at estratehiya para makapasok ako ng walang pilay dahil sa MRT, kung aanga-anga ka, wala ka pa sa destinasyon mo ay magkakandalasog-lasog na ang katawan o gula-gulanit ang damit mo sa pagpasok palang sa istasyon dahil sa tulakan ng mga nakapila at minsan ay sumasabit pa ang tela ng damit ko sa bag ng kung sino man. Walang mayaman o mahirap kapag sumasakay sa MRT tuwing rush hour o oras ng pagdagsa ng mga tao. Kung masisiko ka kapag naggigitgitan na, pasensiyahan na lang. Iyon marahil ang kapalaran mo.

Usad pagong talaga ang dating ng tren sa istasyon kaya malimit na halos malaglag na sa riles ang tao sa platform sa dami.MRT2 Kaya kapag sinabing malupit na depensa at estratehiya, dapat alam mo kung kaliwa, kanan o gitnang bahagi ng pintuan ng tren ka papasok. At kapag nakapasok ka na sa loob, siguraduhin mong ipupuwesto mo sa harap mo ang dala mong bag at yapusin mong parang yumayapos ka ng libro para hindi malaglag o tumilapon sa kung saan kapag nagkatulakan na. Dapat ding gamitin ang siko, dibdib, balakang o puwet bilang sandata o pandepensa laban sa mga kapwa mo pasaherong handa kang itulak o banggain para paalisin ka sa komportableng puwesto mo. Ang pinakaaabangan puwesto kasi ay siyempre ‘yung mga upuan. At kung hindi ka na makauupo, importanteng pumuwesto ka malapit sa labasan ng tren dahil kung hindi, mapupunta ka sa gitnang bahagi ng kart, gudlak na lang kung makakalabas ka ng hindi ka maiimbiyerna. Gagamitin mo talaga ang siko, dibdib, balakang at puwet mo para makalabas at sasamahan mo pa iyon ng pagtataray , tipong sasabihinan mo ng labas-litid ang mga nakaharang sa daraanan mo ng ganito: “Punyeta, huwag kayong humarang sa pinto at may lumalabas pa!”

Wala na kasing pagkakaiba ang mga kart para sa mga kababaihan, matanda, bata, may kapansanan, at ang kart para sa pangkalahatan. Maging sa mga pambabaeng kart, nagiging amasona ang mga babae kapag kritikal na oras.  Gustuhin mo mang maging disiplinado (halimbawa ay hayaan mong lumabas muna ang mga bababang pasahero bago ka sumakay), magmi-mistula kang manyikang basahan na tinutulak papasok sa tren.

Kaya ikapat, natutunan kong habaan ang pisi ng pasensiya ko at maging kalmado kahit gusto mo ng sumigaw sa inis dahil sa init at siksikang sitwasyon sa MRT Station. Walang mangyayari kung paiiralin ang init ng ulo. Sadya lang talagang maraming dapat ayusin sa sistema ng MRT dito sa Pilipinas.

Sana lang kumuha pa ang gobyerno ng panibagong tren na hindi segunda mano kasi sirain na ang mga tren natin. Hindi na ako magtataka kasi mahigit sampung taon ng gamit na gamit ang mga tren na minana pa natin sa mga Hapon. Kapag siguro nadagdagan ang tren natin, bibilis na ang dating ng mga ito sa istasyon at mababawasan na ang pagkukumpol ng mga tao. Magiging mainam din siguro lalagyan ng body scanning machine, tulad sa mga mall, papasok sa istasyon para hindi na mahirapan ang mga guwardiya na bulatlatin ang mga bag ng mga pasahero na sa totoo lang e parang sinusundot lang naman nila ng patpat ang loob. At panghuli, sana naman, magkaroon ng sapat na panahon ang mga inhinyero na imintina ang kaayusan ng mga pasilidad sa MRT.

Sana rin ay gamitin na natin ang teknolohiya ng automated card o ‘yung tinatawag na octopus card na ginagamit sa ibang bansa tulad ng Hong Kong at Singapore upang mabawasan ang pila ng mga tao na bumibili ng MRT card. Para lang kasing debit card iyon na maaaring lagyan ng load para magamit ng paulit-ulit sa lahat ng pampublikong sasakyan sa Pilipinas.

Kapalit lang marahil nito ay ang isinusulong ng pamunuan ng MRT na itaas ang pamasahe. Panibagong usapin at malamang, bibilang ng buwan o taon bago maresolba ang isyung iyon. Hindi naman kasi ito tulad telenobela na pagkatapos lang ng ilang yugto ay may solusyon na kaagad ang mga kumplikadong sitwasyon ng mga bida.

At habang wala pang mga pagbabagong nagaganap sa sistemang pang-transportasyon sa Pilipinas, patuloy akong sasabay sa agos ng mga taong araw-araw na tumatangkilik sa MRT. ###

Note: Ito ay mas pinaikling bersyon ng sinulat kong sanaysays noong 2012. Sa kasalukuyan, mas lumala pa ang kalagayan ng MRT. Tsk.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: