Hayaan mong sabihin ko sa’yo

Published May 20, 2015 by dapithapon

[updated]

May gusto akong aminin bago magunaw ang mundo,
Bago lumindol at yumanig ang lupa,
At bago tumakas ang aking ulirat

Kahit mahirap.
Kahit alam kong mabubulol ako sa kaba.
Kahit malaki ang tsansa na negatibo ang maging reaksiyon mo sa sasabihin ko.

Bakit?
Bakit ko ba pag-aaksayahan ng laway ang isang tulad mo?
Dahil ikaw ang nilalaman ngayon ng isip at puso ko.
Bakit?
Hindi ko alam.
Huwag mo akong tanungin.
Mahirap ipaliwanag.

Hayaan mong bigkasin ko ang mga salita na para sa iba ay gasgas na gasgas na.
Hayaan mong iparinig ko sa’yo ang tibok ng puso kong bugbog-sarado
sa mga sakit dulot ng kabiguan sa pag-ibig at pakikipagrelasyon.
Hayaan mong ipadama ko sa iyo ang nararamdaman ko kahit alam kong pagdududahan mo ang katapatan ng bawat salitang bibitawan ko.

Hayaan mong sa ilang minutong lakas ng loob na hinamig ko para sa sarili ko ay gagamitin ko
para lang maiparating sa iyo ang nararamdaman ko.
Hayaan mong pansamantala kong kalimutan ang mga takot
at konsekwensiya ng kapangahasang ito.

Baka kapag ito’y aking ipinagpaliban,
ay lamunin lang ng lupa ang lahat ng katapangan ko.
Ayokong matulad ang desisyon ko sa mga gumuhong bahay sa bundok
na dumausdos lang sa lupa
at kailanma’y hindi na muling mabubuo.

Ayokong ipagpabukas ang lahat ng mga dapat kong sabihin
dahil dadagain lang ang aking dibdib sa takot,
takot na matanggihan, mabigo at masaktan.
Ayokong lumipas ang oras na tanging ang orkestra ng mga kuliglig lang ang maririnig
at hindi ang tinig kong inihanda ko para sambitin
ang mga salitang alam kong ayaw mo nang pakinggan.

Huli na ito.
Sana’y makinig ka.
Kahit isang minuto lang.
O basta masambit ko lang ang nais kong sabihin.
Bago lumindol.
Bago mayanig ang lupa.
At bago magkabitak-bitak ang mga daan.
At higit sa lahat, bago maglaho nang tuluyan ang nararamdaman ko.
Hayaan mong sabihin ko sa’yo na
“Mahal kita.”
Kahit ayaw mong maniwala.
“Mahal kita.”
~ haids / 5.20.2015

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: