Jireh Ibañes of Rain or Shine Elasto Painters: Isang anekdota

Published May 1, 2015 by dapithapon

Matagal ko nang kakilala si Jireh. For the record, hindi kami close at hindi ko rin alam kung maituturing namin ang isa’t isa na magkaibigan. Pero gayunpaman, kahit hindi kami naging close, masasabi kong mabuti siyang tao. Hindi dahil Pastor’s kid siya kundi mabuti talaga siyang bata. (Mas  matanda nga pala ako sa kanya ng dalawang taon.)

Wala akong gusto sa kanya. Natuwa lang ako kasi kahit sa maikling panahon, nakilala ko siya. Sikat na kasi siya noon pa man pero hindi ko inakalang mas sumikat pa siya ngayon. Ikukuwento ko lang ang maikling anekdota tungkol sa taong ito bago ko tuluyang malimutan iyun.

Nagkakilala kami sa UP Diliman. Technically, schoolmate ko siya pero hindi kami magka-batch. Nagta-trabaho na ako noong nakilala ko siya. Miyembro siya ng UP Men’s Basketball Varsity Team. Ako naman e nagta-trabaho sa isang media office noon.

Tumatambay sila minsan sa opisina namin kapag kausap ng team manager nila ang boss namin. Tapos madalas niyang kasama ang girlfriend niyang si Camille. Binabati ko lang sila madalas sa pamamagitan ng pagtango, ngiti at paminsan-minsang “Good morning” o “Good afternoon.” Maliban doon, hinahayaan ko lang sila sa isang tabi.

Isang araw, bale taong 2004 iyun, pumunta siya at iyung team manager nila sa opisina. Hindi niya kasama ang girlfriend niya. Matapos niya kaming batiin, tahimik lang siyang umupo sa monoblock na nakapuwesto sa conference table namin at nagbasa ng diyaryo.

Noong araw na iyun, nakipagbreak ako sa boyfriend kong manloloko. Kaya medyo masama ang mood ko at parang anumang oras e babagsak ang luha ko. Pinipigilan ko lang ang sarili ko kasi nakakahiya sa mga kaopisina at boss ko kung makikita nila akong umiiyak.

Tandang-tanda ko pa, tumawag noong mga oras na iyun ang ex-boyfriend ko sa landline ng office namin. Hindi ko kasi sinasagot mga tawag niya sa cellphone ko. Pero  dahil sa landline siya tumawag, napilitan akong tanggapin ang tawag niya. Lasing ang ex ko noong tumawag siya. Alam kong nakainom siya kasi medyo buhol-buhol ang ibang mga sinasabi niya at umiiyak pa sa telepono.

Kinausap ko ang ex ko sa mahinang boses at sa sulok ng mga mata ko e nakita kong nakatingin si Jireh at inoobserbahan ako. Tumalikod ako kay Jireh kasi namumula na mga mata ko dahil naiiyak ako.  Sinabi ko sa ex ko na huwag na siyang tumawag dahil tapos na ang lahat sa amin at hindi ko kayang ipagpatuloy ang pakikipagrelasyon sa isang manloloko lalo’t pinagsabay pa niya kami ng matalik kong kaibigan.

Anyway, pagkababa ko ng telepono, napaiyak na talaga ako. Hindi ko na napigilan tumulo ang maalat kong luha na kasing alat ng naging pag-uusap namin ng ex ko.

Tumayo sa kinauupuan niya si Jireh at tinapik ako sa likod. Medyo tagong bahagi ang puwesto ng telepono namin kaya hindi kami nakikita ng mga kaopisina ko.

Hinila ni Jireh ang upuan niya at tinabihan ako. Tapos, hinding-hindi ko makakalimutan na inilapit niya ang malapad niyang balikat sa akin at pati ang mga sinabi niya sa akin.

Sabi niya, “Ate, eto ang balikat ko. Sige, iiyak mo lang iyan ngayon. Pero sana bukas, okay ka na. Huwag mong sayangin sa ganyang klase ng lalaki ang mga luha mo. Ibig sabihin lang niyan, hindi siya ang itinakda ng Diyos para sa’yo.”

Sa sinabi niyang iyun, lalo akong napaiyak at hindi ko na tinanggihan ang balikat niya. Iyun ang kailangan ko ng mga panahong iyun. Laking pasasalamat ko kasi sa simpleng gesture niyang iyun, parang nabawasan ang nakadagan na sama ng loob sa dibdib ko. Siguro lima o sampung minutong walang tigil ako sa pag-iyak. Pagkatapos noon, inabutan niya ako ng panyo at pinahid ko na ang mga luha ko.

Hiyang-hiya ako kasi nabasa ko ang t-shirt ni Jireh. Pero ngumiti siya sa akin at naalala ko bago siya umalis, sinabi niya “Okay lang iyan, Ate. Tahan na. Ganyan lang siguro talaga ang heartache. Masakit sa simula pero, lilipas din iyan. Think positive.”

At iyun ang huling pagkikita namin ni Jireh. Dahil sa mga sinabi niya sa akin, tuwing nakakaranas ako ng heartache o brokenhearted ako, hinahayaan ko lang ang sarili kong umiyak. Pero paglipas ng mga araw, sinisikap kong bumalik ulit sa normal ang buhay ko.

Tama siya. Kapag hindi nagwork ang isang relationship, ibig sabihin hindi talaga para sa akin iyun. Balang-araw matatagpuan o makikilala ko rin ang taong itinakda para sa akin ng Panginoon. At hanggang ngayon, sinusunod ko pa rin ang payo ni Jireh. Hinahayaan ko ang sarili kong umiyak at pagkatapos, pinupunasan ko ang mga luha ko at sinisikap kong ibalik sa normal ang takbo ng buhay ko.

Salamat, Jireh Ibañes. Pagpalain nawa ng Diyos ang mga taong tulad mo.

#InstantFan #RainOrShine

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: