Nakakalito

Published November 29, 2014 by dapithapon

Kapag pala itinutukso sa’yo ang taong matagal mo ng kaibigan, kahit ano’ng dikta mo sa sarili mo na huwag maapektuhan, hindi pala ganoon kadaling gawin iyon. Ilang beses ko ring kinumbinse ang sarili ko na masyado siyang bata kumpara sa edad ko kaya kahit itukso siya sa akin ay deadma lang ako. Kaso, hindi ko magawa. Pumapasok siya sa utak ko nang hindi ko namamalayan. Ang kulit lang kasi ng mga tao sa paligid namin. Paborito talaga siyang itukso sa akin.

Ang siste nito, iisa ang ginagalawan naming mundo. Halos pareho kami ng linya ng trabaho. Oo nga at hindi sa lahat ng pagkakataon ay nagkakasabay kami nang kino-cover na event, pero dahil pareho lang naman kami ng lugar na pinagtatrabahuhan maski magkaiba kami ng opisina, may mga panahong hindi talaga maiwasang magkita kami. Pakiramdam ko tuloy, hindi na rin siya kumportableng kasama ako kasi nabahiran na ng malisya ang pagkakaibigan namin.

Dati-rati, madalas siyang pumunta sa opisina namin at ako ang una niyang nilalapitan para kausapin kasi nga kaibigan ko siya. Dati-rati rin, nagcha-chat pa kami at text. Dati-rati tuwing nagkakasalubong kami sa labas ay may handa siyang ngiti agad para sa akin. Pero ngayon, wala na. Lahat ng mga nabanggit ko ay hindi na niya ulit ginagawa.

Nakakamiss din pala ang mga bagay na nakasanayan na. Naninibago ako ngayon sa kilos niya. Nakakalungkot. At lalong mas nalungkot ako kasi iniisip ko na baka kaya siya nagbago ay dahil gusto niyang iparating sa akin na “Hoy. Ilusyonada ka. Hindi kita type kaya huwag kang umaasa d’yan!”

Oo. Inaamin ko ngayon dito sa blog ko na parang umaasa yata ako na may sparks kami a. Pucha! Sana temporary insanity lang ito. Sana pagkalipas ng ilang araw ay bumalik na sa katinuan ang utak ko.

Ngayon lang ulit ako nagsulat dito sa blog ko ng ganitong klaseng post kasi wala akong ibang mapagkuwentuhan nito. Baka kasi ultimo mga kaibigan ko ay hindi maintindihan ang pananaw ko ukol sa bagay na ito. Karamihan kasi sa mga kaibigan ko ay may mga asawa o anak o mga karelasyon na kaya para sa kanila, dapat ay ikunsidera ko na raw ang posibilidad na gawing boyfriend iyung kaibigan ko dahil tumatanda na ako at malapit na raw mag-expire ang matris ko. Ang kaso lang nito, hindi naman nanliligaw sa akin ang kaibigan kong iyun. Bigla lang talaga siyang itinukso sa akin ng boss ko at mga kaopisina ko. Sa tingin kasi nila e bagay raw kami. Ngek. At bukod sa kanila, pati iyung mga barkada ko na kakilala siya ay tinutukso rin kami. Hindi ko rin naman maintindihan kung paano kami naging bagay e sa itsura palang parang lugi yata siya sa akin. Hahaha! Well, guwapo, matangkad, mayaman at matalino kasi siya kaya parang gumana yata ang insekyuridad ko sa katawan. Weh.

Kidding aside, natatakot akong ma-develop sa kanya. Kasi una sa lahat, mas bata siya sa akin ng 7 taon. Nasa marrying age na ako (long overdue na nga kasi lampas na sa kalendaryo ang edad ko e) samantalang siya e maaaring wala pa sa bokabularyo niya ang salitang “kasal.” Ikalawa, sabi niya ang type niya raw iyung kakilala niyang seksi, matangkad at tisay na reporter na graduate sa Ateneo na early 20s palang ang edad. Heller. Ni isa sa mga nabanggit na pisikal na deskripsyon at edad ay walang tumugma sa akin. Ikatlo, hindi naman siya nanliligaw e at lalong hindi rin siya nagtatanong ng mga bagay na may kinalaman sa aming dalawa.  Ikaapat, magulo siya. Ginugulo niya ang utak ko. Nagpapahiwatig siya ng mga senyales na nakakalito. Sa lahat pa man din ng ayoko e mind games kasi matanda na ako para sa mga ganyang bagay. Ayokong pinapahula pa ako kung gusto ba ako o hindi. At ikalima, baka masira ang pagkakaibigan namin. Argh! Parang panghayskul lang ang problema ko. Kaya lang, ano ba ang magagawa ko? Sa nalilito ako e.

Kaloka, di ba?

Noong nakaraang Biyernes ng madaling-araw, nakita kong inadd niya ako sa Facebook. Gising pa kasi ako ng mga ganoong oras kaya online pa ako ng mga oras na iyun. Pero kahit nakita ko ang friend request niya, inaccept ko lang iyun pagkalipas pa ng walong oras. Pinag-isipan ko kasi kung tatanggapin ko ba ang FB request niya o hindi. Iyun kasi ang tunay niyang account. Ka-Facebook ko ang peke niyang account. At dahil hindi naman niya halos ginagamit iyun, walang problema maski magpost ako ng kung ano-ano sa Facebook ko. Pero dahil kabilang na ang opisyal niyang account sa Facebook ko, hindi ko malaman kung maiilang ba ako o deadma na lang ulit.

Isa pang problema ko, natatakot akong silipin ang tunay niyang Facebook account. Baka kasi may madiskubre ako doon na hindi ko gustong malaman. Paano kung bumulaga sa akin doon na may jowa na pala siya? Masasaktan ba ako o hindi? Ang mga ganitong walang katiyakan ang pinagmumulan ng takot ko. Hindi ko kontrolado ang magiging reaksyon ko kung saka-sakali. Anlabo lang. Ang duwag ko ngayon. Siguro dahil may nararamdaman na yata talaga ako para sa kanya. Hindi ko alam kung ano’ng lebel na ito. Pero, nagkakagusto na yata ako sa kanya.

Ang unfair. Kasi parang nade-develop  na ako sa kanya pero siya, hindi ko alam kung may gusto siya sa akin o wala. Ang hirap talagang maging babaeng torpe. Hindi ko magawang tanungin siya ng diretso kasi takot ako sa isasagot niya. Baka mapahiya lang ako.

Sana na lang, magkita kami ulit sa isang coverage para magkausap ulit kami. Gusto kong malaman kung ano ang magiging behavior niya kapag kasama ako ngayong may nabago na sa pagkakaibigan namin. Kasi noong nakaraang Martes na nakita namin siya ng mga kaopisina ko, iba pakikitungo niya sa akin e. Ni hindi nga niya ako binati at nginitian.

Kapag nagkita kami, doon lang masasagot ang mga katanungan sa utak ko. Halimbawa, kung pinakitunguhan niya ako na parang estranghero, ibig sabihin, dapat ko nang kalimutan ang mga posibilidad at ayusin na lang ang pakikitungo namin sa isa’t isa bilang magkaibigan at kapwa manunulat. Kapag naman parang tulad pa rin ng dati ang trato niya sa akin, ibig sabihin, ganoon pa rin, tigilan na ang mga ilusyon at ipagpatuloy ang pagkakaibigan namin. Pero kapag naging sweet o tipong nagpahayag siya ng intensyon na ligawan ako o maglevel up ang aming relasyon bilang magkaibigan, doon ko na agad iisipin kung ano ang gagawin ko.

Hay… Nakakainis ang sitwasyon ko sa totoo lang. Sabi nga ng boss at mga kaopisina ko, sagutin ko na raw siya. At madalas pa nila akong biruin na nililigawan daw ako ng lalaking iyun. E hindi naman.

Tulad nga nang isinulat kong istatus sa Facebook, paano ko ba sasagutin ang taong hindi naman nagtatanong?

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: