Dalawang pangungusap

Published August 9, 2014 by dapithapon

Gusto kong subukan. Baka sakaling may magulantang. Kung hindi man mangalisag ang balahibo, baka sakaling tumimo sa isipan. Eto ang 10 sa mga naisulat kong tig-dalawang pangungusap ng katatakutan at/o kababalaghan.

Enjoy!

1. Nanlalaki sa pananabik ang mapupulang mga mata ng bata na paulit-ulit pinipihit ang susi ng music box na yari sa kahoy na may nakaukit na bulaklak at gold plated na pangalan na “Agatha” sa gitna. Walang sawa niyang pinapakinggan ang tugtog nito tulad ng mga bulong ng kanyang paboritong manyikang si Agatha.

2. “‘Nay naglaro kami ni Ate Nini sa ilalim ng kama kanina.” Nalaglag ng ina ang hawak na siyanse sa sinabi ng tatlong taong gulang na anak dahil patay na ang anak niyang si Nini.

3. Naalimpungatan siya mula sa mahimbing na tulog dahil sa mainit na likidong pumatak sa mukha niya. Ngunit, iyun din ang malaki niyang pagkakamali pagkakita sa babaeng nasa kisame na pumapatak ang dugo.

4. Bintana ang nag-uugnay sa nakaraan at kasalukuyan ninyong dalawa. Sa bintana rin siya madalas sumilip ng alas tres ng madaling araw upang pagmasdan ka habang ika’y natutulog.

5.  Simula nang lumipat siya sa bago niyang apartment ay naging balisa ang kanyang tulog na tila kinakapos palagi ang hininga at gumigising siyang nananakit ang mukha at leeg. Kaya naman pala, tuwing siya’y natutulog ay inuupuan siya sa mukha ng lalaking inaagnas ang katawan at diumano’y dating nakatira roon.

6. Agaw-dilim nang masaksihan ng kanyang nangungulilang kaluluwa kung papaanong nilaspatangan ng rugby boy ang nanlilimahid na katawan ng sanggol na batang lansangan sa urinal sa Cubao. Agaw-dilim din nang tinulak niya ito habang pasuray-suray na tumatawid ng overpass sa lugar ding iyon , na sa mata ng iba ay para lamang itong tumalon upang magpakamatay .

7. Sa bawat dagundong ng kulog at pagpunit ng kidlat sa kalangitan, pumapailanlang din ang tili ni Luna.  Mula sa bintana ng kanyang silid, tanaw niya ang repleksiyon ng babaeng basa ang buhok, maputla ang mukha at lumuluha ang mga matang duguan na walang pakundangang nakatitig sa kanya at wari’y  nakikiusap na papasukin niya ito sa kanyang silid.

8. Habang binabasahan ng ama ng libro tungkol sa mga kuwentong pambata ang kanyang apat na taong gulang na anak, panay ang sulyap ng bata sa salamin ng kanyang tokador. Panay rin kasi ang ngiti sa kanya doon ng babaeng may mahabang puting buhok, kulubot ang mukha at nakasuot ng itim na bestida.

9. Nanginginig ang mga kamay na nagdasal siya ng Ama Namin habang nagsusuklay na nakaharap sa salamin ng banyo. Sinubukan niyang pumikit ngunit, nakatatak na sa isip niya ang babae sa salamin na walang mukha at nakalugay ang nanlalagkit na buhok na patuloy na ginagaya ang kanyang pagsusuklay at pagdarasal.

10. Nakita niya ang kanyang sariling mahimbing na natutulog at tuwid na tuwid ang katawan sa pagkakahiga sa kama. Iyun ay habang nakatayo siya sa madilim na sulok ng kanyang kuwarto.

window 1Window 2

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: