Doon po sa amin sa Bayan ng Pola…may Aguada Beach :-)

Published November 14, 2011 by dapithapon

Magtetrese anyos palang ako no’n. Hinding-hindi ko makalilimutan ‘yung isang summer vacation na pumunta kaming mag-anak sa kauna-unahang pagkakataon sa Aguada Beach sa liblib na bahagi ng Pola, Oriental Mindoro. Ang bayan ng Pola kung saan matatagpuan ang Aguada Beach ang 4th Class Municipality sa Oriental Mindoro na may populasyon na umaabot sa 31, 938 (Census 2000). Nung araw ding iyon, isinama ko sa listahan ng mga paborito kong beach sa Luzon ang Aguada.

Nang makausap ko ang Mayor ng Pola noong nakaraang Enero lang, sinabi n’ya sa akin na sumabay na rin sa agos ng kaunlaran ang bayan ng Pola maging ang Aguada Beach. May mangilan-ngilan ng cottages at videokehan roon, may isang di kalakihang hotel, at ilang maliliit na establisimiyento na dalawampung kilometro o higit pa ang layo sa may dalampasigan. Pero dahil na rin sa pangangalaga ng gobyerno at mismong mga mamamayan ng Pola, napanatili nila ang kalinisan at mala-paraisong kagandahan ng Aguada Beach.

Malakas ang pang-akit sa akin ng Aguada Beach. Para sa akin, paraiso ang lugar na ‘yun. Noong pumunta kami rito edad trese anyos pa lang ako, birhen pa sa komersyalisasyon ang Aguada Beach. Wala pang mga cottage, karinderya, videoke o kahit ano’ng establisimiyento doon. Kung sinuman ang gustong maligo nang libre at pribado ay tiyak makakahanap ka sa lugar na ‘yun.

Sinuwerte lang kaming makapag-swimming doon nung nagkayayaan lang kaming magkakamag-anak na maligo sa dagat sa sobrang init ng panahon at iyon ang isinuggest ng isa sa mga pinsang kong lalaki na magandang puntahan. Gamit ang hiniram na dyip at tatlong traysikel, dumiretso kami sa Pola papuntang Aguada Beach mula sa bayan ng Socorro.

Pagdating sa Aguada Beach, humimpil ang mga inarkilahan naming dyip at traysikel sa isang bahagi ng beach na mistulang gubat sa dami ng puno ng buko, mangga, niyog at saging.

Pagbaba palang sa sasakyan, magkabilang tenga na ang ngiti ko sa sobrang kasabikan kong mag-swimming. Pero medyo nadismaya ako nung sinabi sa akin ng pinsan ko na malayo pa lalakarin namin bago makarating sa mismong dagat. Halos 3 kilometro ata nilakad namin bago kami nakarating sa dagat. Mabato ang nilalakaran namin kaya inaalalayan kaming mga pinakabata sa magpipinsan ng mas matatanda sa amin.

Pagdating sa dalampasigan, nawala lahat ng pagod ko sa paglalakad. Hinubad ko kaagad ang tsinelas ko at lumusong agad sa tubig. Tuwang-tuwa ako kasi malinaw at malinis rin ang tubig doon kumpara sa ibang beach na naliguan ko na sa iba’t ibang bayan ng Mindoro Oriental. Puwedeng-puwede nang manalamin. Makikita sa malinaw nitong tubig ang mga lumalangoy na isdang may sari-saring kulay at laki pati na rin ang mga halamang dagat.

Kahit sino siguro ay mapanganganga sa ganda ng paligid. Mistula kasing isang  paraiso iyon. Bukod sa linis at linaw ng tubig, napapalibutan ang Aguada Beach ng maliliit na burol at mga punong-kahoy. At dahil low tide, kitang-kita namin sa may laot na matatanaw mula sa baybayin ang isang napakalaking tipak ng bato roon na halos kasing laki ng Chocolate Hills.

Ang isa pang ikinamangha ko sa Aguada Beach ay iyong hagdanang bato na may isang daang baitang na matatagpuan sa isang maliit na burol doon. Ang unang baitang niyon ay nakatirik sa ilalim ng dagat.

Pag-akyat sa hagdanang bato, makikita roon sa pinakatuktok ng burol ang matayog na rebulto ni San Juan Bautista na nakadipa ang mga kamay. Animo’y isinasakripisyo ang sarili sa langit upang protektahan ang mga taga-Aguada. Hindi maalis sa isipan ko ang rebultong ito kaya ipinagtanong ko talaga sa mga kamag-anak naming doon sa Pola na ipinanganak at nagka-apo kung ano ang mga kuwento-kuwento tungkol sa hagdanang bato at sa rebultong iyon. Di naman ako nabigo at marami akong nalaman.

Noong mga oras na iyon, pakiramdam ko, hindi lang ako nag-swimming, nag-educational field trip din ako. Wala akong pakialam kung totoo o hindi ang mga ikinuwento nila sa akin basta ang mahalaga nalaman ko ang makulay na kasaysayan at kahalagahan ng hagdanang bato at ng rebulto.

Sabi ng isa sa mga pinagtanungan kong residente sa Pola, pinaniniwalaang nagsisilbing taga-pangalaga ng baybayin ng Pola ang naturang rebulto. Katunayan daw, sa pagdaan ng panahon, hindi pa raw nakararanas ang Pola ng tsunami o kahit ng pagbaha maski minsan. Ito rin ang lugar na madalas daw puntahan ng mga deboto tuwing Mahal na Araw. Kunsabagay nga naman, ang ituktok ng burol at ang kalawakan ng dagat ay ideyal na lugar para sa meditasyon at panalangin.

Pero ang higit na nagpatingkad sa mga nakalap kong kuwento tungkol sa hagdanang bato at rebulto ni San Juan Bautista sa Aguada Beach ay iyong mga tsismis na bumabalot dito.

Ayon daw sa mga matatanda, may isang mayamang matandang dalaga ang nagpagawa niyon dahil doon daw inilibing ang bangkay ng anak nito sa dating kura paroko ng Pola. Pero ayon naman sa ibang mamamayan ng Pola, maaaring may nakatago raw doong kayamanan.

Matapos marinig ang kuwentong ‘yun, mas tumingkad ang kasiyahan ko sa ginawa naming pagbisita sa Aguada Beach. Nalungkot tuloy ako no’n nung uwian na.

Pero sandali lang akong nalungkot no’n kasi pagkatapos naming mag-swimming sa Aguada Beach, bumili kami ng souvenirs at mga pasalubong doon sa palengke ng Pola. Natuwa ako sa mga paninda roon tulad ng mga dekorasyon na gawa sa kabibe, mga t-shirt na may tatak na Mindoro at marami pang iba.

Siyempre pa, hindi namin kinalimutang kumain muna bago umalis. Pinagsaluhan naming mag-anak ang mga binili naming sariwang isda, malalaking sugpo, alimango at arurusit sa palengke ng Pola.

Mahirap ding makalimutan sa bayan ng Pola ang mga mamamayan doon. Kung ikaw ay isang turistang pala-kaibigan, maaari ka nilang imbitahan sa isang magandang hapunan. Huwag mo lang sisirain ang kanilang pagtitiwala o tanggihan ang kanilang mga inihahain para sa iyo, ituturing ka nilang parang isa na ring kapamilya.

Matapos ang dalawang linggong bakasyon namin sa Mindoro, umuwi na kami ng pamilya ko sa Laguna. Tinawagan ko agad ang mga kaibigan kong taga-Maynila at ikinuwento sa kanila ang mga naging karanasan ko sa bayan ng Pola. Maging sila ay namangha at nagkainteres sa kagandahan ng lugar.

At dahil interesado rin silang makarating sa Pola, sinabi ko na rin sa mga kaibigan ko kung papaano makakapunta ro’n at kung magkano ‘yung pamasahe.

Simple lang kako ang pagpunta ro’n. Sinabi ko sa kanila na humanap lang sila ng bus terminal na nagbiyabiyahe patungong Batangas tulad ng BLTB sa Pasay, Tritran o Jam sa Cubao at Buendia, o Alps at Dela Rosa sa Alabang at tiyak makakarating na sila sa Batangas Pier. Pagsapit sa Pier, pupuwede na silang sumakay ng barkong tatlong oras biyahe o ng Supercat (kamag-anak ng Super Ferry). Iyon ay kung gusto naman nilang makarating ng Calapan, Mindoro sa loob lamang ng apatnapu’t limang minuto hanggang isang oras. Pagdating sa Calapan Port, maaari na silang sumakay ng dyip na nagbiyabiyahe patungong bayan ng Socorro, Pinamalayan at Pola. Pinayuhan ko rin silang huwag mahiyang magtanong sa kapwa pasahero kung sila ba ay nakarating na sa kanilang patutunguhan o di kaya’y sabihan nila hangga’t maaga ang drayber na ibaba sila sa mismong bayan ng Pola. Ang dapat na lang nilang problemahin ay ‘yung daan papunta sa Aguada Beach. Sinabihan ko silang maging handa sa malayong lakarin at magsuot ng tsinelas o sapatos na matibay ang suwelas kasi mabato roon.

Matapos ang mahabang biyahe papuntang Aguada Beach, siguradong mawawala rin ang pagod nila kapag nasilayan nila ang mala-paraisong tanawin doon.—H.C.P.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: