‘Kita Kita’ movie (maikling rebyu)

Published July 31, 2017 by dapithapon

Title of Movie: Kita Kita
Release date: July 19, 2017
Studio: Spring Films
Starring: Alessandra De Rossi at Empoy Marquez
Directed By: Sigrid Andrea P. Bernardo (of the award-winning and unforgettable films “Ang Huling Cha-Cha Ni Anita” and “Lorna”)
Written By: Sigrid Andrea P. Bernardo
Produced By: Spring Films
Rating: 5/5 stars

Mini review:

Iba ang AlEmpoy. Langya ka, Empoy! Pinaiyak mo ako.   Si Alessandra rin, winner!  

Eto naman ang pa-sampu ko tungkol sa pelikulang ito:

Isa – Isa kang alamat, Empoy! Ang husay ng pagganap mo dito bilang Tonyo at na napakaepektibo ng iyong pagpapatawa, pagpapakilig at pagpapaiyak sa aming mga manonood. Pinaglaruan mo ang feelings namin. Langya ka! Haha! 

Dalawa – Dalawang mag-asawang sampal ang gusto kong ibigay sa boyfriend at kaibigan dito ni Lea. Nadala ako sa eksena. Haha.

Tatlo – Tatlong beses ako napaiyak nang hindi ko namamalayan habang nanood.

Apat – Apat ang paborito kong kilig moments sa pelikulang ito. Kilig na hindi pilit.

Lima – Limang apir sa scriptwriter nito sa pagiging witty. Dinaig nina Lea at Tonyo ang linya ni Mark Lapid tungkol sa saging at puso. Haha. 

Anim – Anim na ulit kong nasambit na buti pa si Sapporo, loyal.  Anim na beses rin akong nagpigil ng wiwi para wala akong ma-miss na eksena.

Pito – Pitong klase ng putahe na may repolyo ang kaya kong lutuin. Maeengganyo kang kumain ng repolyo para sumaya. Haha. 

Walo – Walong hanay ang pila sa ticketing area ng sinehan bago kami nakabili ng ticket ng Kita Kita.

Siyam – Siyam na lang ang natitirang upuan noong kami na ang nasa unahan ng pila sa pagbili ng ticket.

Sampu – Sampung “Langya ka, Empoy!” ang namutawi sa bibig ko sa katatawa at sobrang kilig sa suwabeng pagpapakilig ni Empoy (Tonyo) kay Alessandra (Lea). Sampung palakpak din para sa mga bumubuo ng pelikulang ito.

Di ko ineexpect na magki-click romantically dito sina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez! Astig! 

Congratulations sa mga bumubuo ng pelikulang ito! Manood na ng “Kita Kita” habang nasa sinehan pa!  

#KitaKita
#Alempoy
#SagingLangAngMayPuso
#DiKaIiwanNiSapporo

~haids~
7/31/2017
Habang nakasakay sa tren

Ang gunting ni Ate

Published June 24, 2017 by dapithapon

Minsan na akong naging biktima ng kuryosidad. Ang malala nito, napuruhan ang buhok ko. Buti na lang pala, sampung taong gulang palang ako noon. Kumbaga, wapakels pa ako sa kahihiyan. Hehe.

Isa sa mga sabjek ng Ate ko noong high school sa dating Holy Family High School sa Baguio City ay Personality Development at kabilang sa mga itinuturo ay ang paggugupit at pag-eestilo ng buhok. Dahil doon, nagpabili siya sa tatay ko ng isang set ng mga gunting at pangkulot ng buhok.

Palibhasa ay medyo makapal ang buhok ko kung kaya’t ako ang pinagpapraktisan ni Ate. Kadalasan ay kinukulot niya ang buhok ko o kaya gagawan niya ng iba’t ibang estilo.

Tuwang-tuwa ako habang pinapanood ko ang Ate ko na maingat na hinihila ang kinumpol na mga hibla ng buhok ko at ipinapaikot sa pink na rollers para kulutin. Pakiramdam ko ay minamasahe niya ang anit ko kung kaya’t tapos na niya akong lagyan ng rollers ay mahimbing na ang tulog ko.

Ito ang bonding namin ng kapatid kong panganay. Noong mga panahon kasing iyon, kami lang dalawa ang isinama ni Daddy na tumira sa Benguet at pinag-aral sa Baguio dahil hinihintay pa naming magtapos sa elementarya ang pangalawa kong Ate at ang Kuya ko na noo’y kasama naman ng nanay namin sa Laguna.

Lilinawin ko lang. Hindi hiwalay ang mga magulang ko. Nagkataon lang na nagtatrabaho bilang auditor sa Quezon City ang nanay ko at security manager naman sa isang minahan sa Benguet ang trabaho ng tatay ko. Upang mas makatipid sa pag-aaral namin ang mga magulang ko, kaming dalawa ng panganay kong kapatid ang kinuha ng Tatay ko mula sa Laguna para doon na sa Baguio magpatuloy ng pag-aaral. Nakapasa kasi ako sa iskolarsyip na binibigay noon sa anak ng mga kawani ng minahan.

Balik tayo sa hairstyling skills ng Ate ko. Pakiramdam ko noon, napakahusay ng Ate ko. Daig pa niya iyung gumugupit ng buhok ko sa parlor. Kaya pumapayag ako kapag inaayusan niya ako ng buhok.

Pero sa totoo lang, mas trip na trip kong pakialaman noon ay iyung panggupit ni Ate ng buhok. Sa talas ng gunting na iyon, tuwing ginagamit ni Ate, may maririnig kang mahinang tunog mula doon na parang kutsilyong hinahasa sa bato o kaya’y tila mga nagkikiskisang mga dahon.

Isang araw, naiwan ni Ate ang gunting niya. Maaga akong umuwi noon sa bahay namin kasi half day lang kami sa school. Habang nagsusuklay ako, nakita ko sa drawer ng tokador namin iyung gunting. Gumuhit ang ngiti sa mga labi ko.

Agad kong kinuha ang gunting ni Ate at tumingin ako sa salamin. Tinanggal ko ang headband ko at humulagpos ang aking bangs na lampas na sa tungki ng ilong ko ang haba.  Sinimulan ko itong gupitin. At siyempre, hindi pantay ang pagkakagupit ko. Katunayan, naging pa-dayagonal ang lapat ng bangs ko sa noo kung kaya’t ginupit ko ulit. Gupit dito, gupit doon ang ginawa ko hanggang sa halos sumagad na sa noo ko ang bangs kong sawi! Nagkaroon tuloy ako ng spike na bangs. Wehehehe!

Tapos sinunod ko namang gupitin ang buhok ko na hanggang balikat. Nilugay ko muna ito. Yumuko ako para mapunta sa harap ng mukha ko ang lahat ng buhok ko. Tapos pinaghugpong ko sa kamay ko, at saka ko ginupit. Noong hanggang leeg ko na lang ang buhok ko, tsaka ako tumigil. Ang resulta? Siyempre, hindi rin pantay-pantay!

Pag-uwi ni Ate mula sa eskuwelahan, nakita niya akong nakaupo sa sofa namin at nagbabasa ng libro. Agad niyang napansin ang buhok ko. Napa-oh-my-God ang Ate ko sabay pingot sa tenga ko.

Kinabukasan, pumunta kami ng Ate ko sa Burnham Park para mamasyal. Habang naglalakad kami, napapalingon sa akin ang mga tao.  May nakasalubong kaming magjowang Amerikano na huminto pa talaga sa harap namin at saka binati kami ni Ate.

Sabi ng Amerikanong lalaki sa girlfriend niya, “Look at that kid’s hair! It’s so trendy!”

Astig lang. May napapala rin pala paminsan-minsan ang kuryosidad ko at kakulitan.

Huwag kayong mag-alala, pagkalipas naman ng isang taon ay humaba na ulit ang buhok ko at simula noon, sa parlor na talaga ako nagpapagupit at hindi na kailanman nagsariling sikap. Hehe. (^__^)

 

%d bloggers like this: